Pumunta sa nilalaman

Unang Aklat ni Nephi

Mula Wikisource
1924Unang Aklat ni Nephi — Ang Aklat ni Mormon

Kabanata 1

[baguhin]

øØø KABANATA 1 øØø

1 Ako, si Nephi, na isinilang sa mabubuting magulang, kaya nga tinuruan ako nang bahagya sa lahat ng karunungan ng aking ama; at bagama’t nakakita ng maraming pagdurusa sa mga araw ng aking buhay, gayunpaman, labis akong pinagpala ng Panginoon sa lahat ng aking mga araw; oo, nagkaroon ng malaking kaalaman sa kabutihan at sa mga hiwaga ng Diyos, kaya nga gumawa ako ng talaan ng aking mga ginawa sa aking mga araw.

2 Oo, gumawa ako ng talaan sa wika ng aking ama, na binubuo ng karunungan ng mga Judio at ng wika ng mga Egipcio.

3 At alam ko na ang talaang aking ginagawa ay totoo; at ginagawa ko ito sa aking sariling kamay; at ginagawa ko ito alinsunod sa aking kaalaman.

4 Sapagkat ito ay nangyari sa simula ng unang taon ng paghahari ni Zedekias, hari ng Juda, (ang aking ama, si Lehi, ay nanirahan sa Jerusalem sa lahat ng kanyang mga araw); at sa yaon ding taon ay dumating ang maraming propeta, na nagpropesiya sa mga tao na kinakailangan silang magsisi, o ang dakilang lunsod ng Jerusalem ay kinakailangang wasakin.

5 Kaya nga ito ay nangyari na ang aking ama, si Lehi, habang siya ay humahayo ay nanalangin sa Panginoon, oo, maging nang buong puso niya, para sa kapakanan ng kanyang mga tao.

6 At ito ay nangyari na nang siya ay manalangin sa Panginoon, dumating ang isang haliging apoy at tumigil sa isang bato sa harapan niya; at siya ay nakakita at nakarinig ng marami; at dahil sa mga bagay na kanyang nakita at narinig siya ay labis na nanginig at nangatal.

7 At ito ay nangyari na siya ay nagbalik sa kanyang sariling bahay sa Jerusalem; at siya ay naghagis ng kanyang sarili sa kanyang higaan, na nadaig ng Espiritu at ng mga bagay na kanyang nakita.

8 At sa gayong pagkahimok ng Espiritu, siya ay dinala sa isang pangitain, maging ang nakita niyang nabuksan ang kalangitan, at inakala niyang nakita niya ang Diyos na nakaupo sa kanyang trono, na napaliligiran ng di mabilang na pulutong ng mga anghel sa anyong umaawit at nagpupuri sa kanilang Diyos.

9 At ito ay nangyari na nakita niya ang Isa na bumababa mula sa gitna ng langit, at namasdan niya na ang kanyang kaningningan ay higit pa sa sikat ng araw sa katanghalian.

10 At nakita rin niya ang labindalawa pa na sumusunod sa kanya, at ang kanilang kaningningan ay higit pa sa kaningningan ng mga bituin sa kalawakan.

11 At sila ay bumaba at humayo sa ibabaw ng lupa; at ang una ay lumapit at tumayo sa harapan ng aking ama, at ibinigay sa kanya ang isang aklat, at pinagbilinan siyang bumasa.

12 At ito ay nangyari na nang siya ay bumasa, siya ay napuno ng Espiritu ng Panginoon.

13 At siya ay bumasa, na nagsasabing: Sa aba, sa aba, sa Jerusalem, sapagkat nakita ko ang iyong mga kasuklamsuklam na bagay! Oo, at maraming bagay ang nabasa ng aking ama hinggil sa Jerusalem—na ito ay wawasakin, at ang mga naninirahan dito; marami ang mamamatay sa pamamagitan ng espada, at marami ang dadalhing bihag sa Babilonia.

14 At ito ay nangyari na nang ang aking ama ay makabasa at makakita ng maraming dakila at kagila-gilalas na bagay, siya ay bumulalas ng maraming bagay sa Panginoon; gaya ng: Dakila at kagila-gilalas ang iyong mga gawa, O Panginoong Diyos na Makapangyarihan! Ang iyong trono ay mataas sa kalangitan, at ang iyong kapangyarihan, at kabutihan, at awa ay nasa lahat ng naninirahan sa lupa; at, sapagkat ikaw ay maawain, hindi mo itutulot na ang mga lumalapit sa iyo ay mapahamak!

15 At pagkatapos ng ganitong pamamaraan ang pananalita ng aking ama sa pagpupuri sa kanyang Diyos; sapagkat ang kanyang kaluluwa ay nagalak, at ang buo niyang puso ay napuno, dahil sa mga bagay na kanyang nakita, oo, na ipinakita sa kanya ng Panginoon.

16 At ngayon ako, si Nephi, ay hindi gumagawa ng buong salaysay ng mga bagay na isinulat ng aking ama, sapagkat siya ay sumulat ng maraming bagay na kanyang nakita sa mga pangitain at sa mga panaginip; at siya rin ay sumulat ng maraming bagay na kanyang ipinropesiya at sinabi sa kanyang mga anak, na hindi ko gagawin ang buong salaysay.

17 Subalit ako ay gagawa ng salaysay ng aking mga ginawa sa aking mga araw. Masdan, ako ay gumagawa ng isang pagpapaikli ng talaan ng aking ama, sa mga lamina na aking ginawa sa aking sariling mga kamay; kaya nga, matapos kong paikliin ang talaan ng aking ama ay gagawa ako ng salaysay ng aking sariling buhay.

18 Kaya nga, ibig kong inyong malaman, na matapos na ang Panginoon ay nagpakita ng maraming kagila-gilalas na bagay sa aking ama, si Lehi, oo, hinggil sa pagkawasak ng Jerusalem, masdan siya ay humayo sa mga tao, at nagsimulang magpropesiya at magpahayag sa kanila hinggil sa mga bagay na kanyang kapwa nakita at narinig.

19 At ito ay nangyari na tinuya siya ng mga Judio dahil sa mga bagay na kanyang pinatotohanan hinggil sa kanila; sapagkat tunay siyang nagpatotoo hinggil sa kanilang kasamaan at kanilang mga kasuklamsuklam na bagay; at siya ay nagpatotoo na ang mga bagay na kanyang nakita at narinig, at gayundin ang mga bagay na kanyang nabasa sa aklat, ay malinaw na nagpahayag hinggil sa pagdating ng isang Mesiyas, at gayundin ang pagtubos ng sanlibutan.

20 At nang marinig ng mga Judio ang mga bagay na ito sila ay nagalit sa kanya; oo, maging gaya ng mga propeta noong una, na kanilang itinaboy, at binato, at pinatay; at hinangad din nila ang kanyang buhay, upang kanilang alisin ito. Subalit masdan, ako, si Nephi, ay magpapakita sa inyo na ang magiliw na awa ng Panginoon ay nasa lahat ng kanyang pinili, dahil sa kanilang pananampalataya, upang gawin silang makapangyarihan maging sa kapangyarihang magligtas.

Kabanata 2

[baguhin]

øØø KABANATA 1 øØø

1 Sapagkat masdan, ito ay nangyari na ang Panginoon ay nangusap sa aking ama, oo, maging sa isang panaginip, at sinabi sa kanya: Pinagpala ka, Lehi, dahil sa mga bagay na iyong ginawa; at dahil ikaw ay naging matapat at ipinahayag mo sa mga taong ito ang mga bagay na ipinag-utos ko sa iyo, masdan, hinahangad nilang kitlin ang iyong buhay.

2 At ito ay nangyari na iniutos ng Panginoon sa aking ama, maging sa isang panaginip, na kanyang isama ang kanyang mag-anak at humayo sa ilang.

3 At ito ay nangyari na siya ay sumunod sa salita ng Panginoon, kaya nga ginawa niya ang iniutos sa kanya ng Panginoon.

4 At ito ay nangyari na siya ay humayo sa ilang. At iniwan niya ang kanyang bahay, at ang lupain ng kanyang pamana, at ang kanyang ginto, at ang kanyang pilak, at ang kanyang mahahalagang bagay, at walang dinalang anuman, maliban sa kanyang mag-anak, at mga panustos, at mga tolda, at humayo sa ilang.

5 At siya ay bumaba sa mga hangganan malapit sa baybayin ng Dagat na Pula; at siya ay naglakbay sa ilang sa mga hangganan na mas malapit sa Dagat na Pula; at siya ay naglakbay sa ilang kasama ang kanyang mag-anak, na binubuo ng aking ina, si Sariah, at ang aking nakatatandang mga kapatid na lalaki, na sina Laman, Lemuel, at Sam.

6 At ito ay nangyari na nang siya ay makapaglakbay ng tatlong araw sa ilang, itinayo niya ang kanyang tolda sa isang libis sa tabi ng isang ilog ng tubig.

7 At ito ay nangyari na siya ay nagtayo ng isang altar na bato, at naghandog sa Panginoon, at nagpasalamat sa Panginoon nating Diyos.

8 At ito ay nangyari na tinawag niya ang pangalan ng ilog, Laman, at ito ay umaagos sa Dagat na Pula; at ang libis ay nasa mga hangganan malapit sa bukana nito.

9 At nang makita ng aking ama na ang tubig ng ilog ay umaagos sa bukal ng Dagat na Pula, siya ay nangusap kay Laman, na nagsasabing: O na ikaw ay maging katulad nawa ng ilog na ito, na patuloy na umaagos sa bukal ng lahat ng kabutihan!

10 At siya rin ay nangusap kay Lemuel: O na ikaw ay maging katulad nawa ng libis na ito, matatag at di natitinag, at di magigiba sa pagtupad ng mga kautusan ng Panginoon!

11 Ngayon ito ay kanyang sinabi dahil sa katigasan ng ulo ni Laman at ni Lemuel; sapagkat masdan sila ay nagbulung-bulungan sa maraming bagay laban sa kanilang ama, sapagkat siya ay isang taong mapangarapin, at inilabas niya sila mula sa lupain ng Jerusalem, upang iwanan ang lupain ng kanilang pamana, at ang kanilang ginto, at ang kanilang pilak, at ang kanilang mahahalagang bagay, upang mamatay sa ilang. At ito ang kanilang sinabi na kanyang ginawa dahil sa mga hangal na guniguni ng kanyang puso.

12 At sa gayon sina Laman at Lemuel, na siyang pinakamatatanda, ay nagbulung-bulungan laban sa kanilang ama. At sila ay nagbulung-bulungan sapagkat hindi nila nalalaman ang mga pakikitungo ng Diyos na lumikha sa kanila.

13 Ni hindi rin sila naniwala na ang Jerusalem, yaong dakilang lunsod, ay maaaring mawasak alinsunod sa mga salita ng mga propeta. At sila ay katulad ng mga Judio na nasa Jerusalem, na naghangad na kitlin ang buhay ng aking ama.

14 At ito ay nangyari na ang aking ama ay nangusap sa kanila sa libis ng Lemuel, nang may kapangyarihan, na napupuspos ng Espiritu, hanggang sa ang kanilang mga katawan ay nanginig sa harapan niya. At kanyang pinagulumihanan sila, kung kaya hindi sila nangahas magsalita laban sa kanya; kaya nga, ginawa nila ang iniutos niya sa kanila.

15 At ang aking ama ay nanirahan sa isang tolda.

16 At ito ay nangyari na ako, si Nephi, bagama’t labis na bata pa, gayunpaman malaki ang pangangatawan, at gayundin nagkaroon ng malaking hangarin na malaman ang mga hiwaga ng Diyos, kaya nga, ako ay tumawag sa Panginoon; at masdan, dinalaw niya ako, at pinalambot ang aking puso kung kaya naniwala ako sa lahat ng salitang sinabi ng aking ama; kaya nga, hindi ako naghimagsik laban sa kanya gaya ng aking mga kapatid.

17 At ako ay nangusap kay Sam, na ipinaaalam sa kanya ang mga bagay na ipinahayag sa akin ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang Banal na Espiritu. At ito ay nangyari na siya ay naniwala sa aking mga salita.

18 Subalit, masdan, sina Laman at Lemuel ay hindi nakinig sa aking mga salita; at sa pagkalumbay dahil sa katigasan ng kanilang mga puso ako ay tumawag sa Panginoon para sa kanila.

19 At ito ay nangyari na ang Panginoon ay nangusap sa akin, na nagsasabing: Pinagpala ka, Nephi, dahil sa iyong pananampalataya, sapagkat hinanap mo ako nang masigasig, nang may kababaang-loob.

20 At yayamang susundin ninyo ang aking mga kautusan, kayo ay uunlad, at dadalhin sa isang lupang pangako; oo, maging isang lupa na aking inihanda para sa inyo; oo, isang lupa na pinakamainam sa lahat ng iba pang lupain.

21 At yayamang ang iyong mga kapatid ay maghihimagsik laban sa iyo, sila ay itatakwil mula sa harapan ng Panginoon.

22 At yayamang susundin mo ang aking mga kautusan, ikaw ay gagawing pinuno at guro sa iyong mga kapatid.

23 Sapagkat masdan, sa araw na yaon na sila ay maghihimagsik laban sa akin, akin silang susumpain maging sa isang mahigpit na sumpa, at sila ay walang kapangyarihan sa iyong binhi maliban kung sila rin ay maghihimagsik laban sa akin.

24 At kung mangyayari na sila ay maghimagsik laban sa akin, sila ay magiging isang salot sa iyong binhi, upang pukawin sila sa mga landas ng pag-alaala.

Kabanata 3

[baguhin]

øØø KABANATA 1 øØø

1 At ito ay nangyari na ako, si Nephi, ay nagbalik mula sa pakikipag-usap sa Panginoon, patungo sa tolda ng aking ama.

2 At ito ay nangyari na siya ay nangusap sa akin, na nagsasabing: Masdan, ako ay nanaginip ng isang panaginip, na kung saan iniutos sa akin ng Panginoon na ikaw at ang iyong mga kapatid ay magbalik sa Jerusalem.

3 Sapagkat masdan, si Laban ay may talaan ng mga Judio at gayundin ang talaangkanan ng aking mga ninuno, at ang mga ito ay nakaukit sa mga laminang tanso.

4 Kaya nga, iniutos sa akin ng Panginoon na ikaw at ang iyong mga kapatid ay humayo sa bahay ni Laban, at hanapin ang mga talaan, at dalhin ang mga ito pababa rito sa ilang.

5 At ngayon, masdan ang iyong mga kapatid ay nagbubulungan, na nagsasabing mahirap na bagay ang aking hinihingi sa kanila; subalit masdan hindi ko ito hiniling sa kanila, kundi ito ay isang utos ng Panginoon.

6 Kaya humayo ka, anak ko, at ikaw ay pagpapalain ng Panginoon, sapagkat hindi ka nagbulung-bulungan.

7 At ito ay nangyari na ako, si Nephi, ay nagsabi sa aking ama: Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-utos ng Panginoon, sapagkat alam ko na ang Panginoon ay hindi nagbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban kung maghahanda siya ng isang daan para sa kanila upang maisagawa nila ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila.

8 At ito ay nangyari na nang marinig ng aking ama ang mga salitang ito siya ay labis na nagalak, sapagkat alam niya na ako ay pinagpala ng Panginoon.

9 At ako, si Nephi, at ang aking mga kapatid ay naglakbay sa ilang, kasama ang aming mga tolda, upang umahon patungo sa lupain ng Jerusalem.

10 At ito ay nangyari na nang kami ay umahon na patungo sa lupain ng Jerusalem, ako at ang aking mga kapatid ay nag-usap-usap sa isa’t isa.

11 At kami ay nagpalabunutan—kung sino sa amin ang papasok sa bahay ni Laban. At ito ay nangyari na ang palad ay nahulog kay Laman; at si Laman ay pumasok sa bahay ni Laban, at siya ay nakipag-usap sa kanya habang siya ay nakaupo sa kanyang bahay.

12 At hiniling niya kay Laban ang mga talaan na nakaukit sa mga laminang tanso, na naglalaman ng talaangkanan ng aking ama.

13 At masdan, ito ay nangyari na si Laban ay nagalit, at itinulak siya palabas mula sa kanyang harapan; at hindi niya ibig na magkaroon siya ng mga talaan. Kaya nga, sinabi niya sa kanya: Masdan ikaw ay isang magnanakaw, at papatayin kita.

14 Subalit si Laman ay tumakas mula sa kanyang harapan, at isinaysay sa amin ang mga bagay na ginawa ni Laban. At kami ay nagsimulang labis na malungkot, at ang aking mga kapatid ay malapit nang magbalik sa aking ama sa ilang.

15 Subalit masdan sinabi ko sa kanila na: Buhay ang Panginoon, at buhay tayo, hindi tayo bababa sa ating ama sa ilang hanggang sa maisagawa natin ang bagay na iniutos sa atin ng Panginoon.

16 Kaya nga, maging matapat tayo sa pagtupad ng mga kautusan ng Panginoon; kaya nga bumaba tayo sa lupain ng pamana ng ating ama, sapagkat masdan siya ay nag-iwan ng ginto at pilak, at lahat ng uri ng kayamanan. At ang lahat ng ito ay kanyang ginawa dahil sa mga kautusan ng Panginoon.

17 Sapagkat alam niya na ang Jerusalem ay kinakailangang wasakin, dahil sa kasamaan ng mga tao.

18 Sapagkat masdan, tinanggihan nila ang mga salita ng mga propeta. Kaya nga, kung ang aking ama ay maninirahan sa lupain matapos siyang utusang tumakas mula sa lupain, masdan, siya rin ay mamamatay. Kaya nga, kinakailangan na siya ay tumakas mula sa lupain.

19 At masdan, karunungan sa Diyos na dapat nating matamo ang mga talaang ito, upang mapanatili natin sa ating mga anak ang wika ng ating mga ama;

20 At gayundin upang mapanatili natin sa kanila ang mga salitang sinabi sa pamamagitan ng bibig ng lahat ng banal na propeta, na ipinagkaloob sa kanila sa pamamagitan ng Espiritu at kapangyarihan ng Diyos, mula nang simula ng daigdig, maging hanggang sa kasalukuyang panahon.

21 At ito ay nangyari na pagkatapos ng ganitong uri ng pananalita ay nahikayat ko ang aking mga kapatid, upang sila ay maging matapat sa pagtupad ng mga kautusan ng Diyos.

22 At ito ay nangyari na kami ay bumaba sa lupain ng aming pamana, at tinipon namin ang aming ginto, at ang aming pilak, at ang aming mahahalagang bagay.

23 At matapos naming matipon ang mga bagay na ito, kami ay umahon muli patungo sa bahay ni Laban.

24 At ito ay nangyari na kami ay pumasok kay Laban, at hiniling namin sa kanya na ibigay niya sa amin ang mga talaan na nakaukit sa mga laminang tanso, na kung saan ibibigay namin sa kanya ang aming ginto, at ang aming pilak, at lahat ng aming mahahalagang bagay.

25 At ito ay nangyari na nang makita ni Laban ang aming ari-arian, at na ito ay labis na malaki, siya ay naghangad nito, kung kaya itinulak niya kami palabas, at pinapunta ang kanyang mga tagapaglingkod upang patayin kami, upang kanyang matamo ang aming ari-arian.

26 At ito ay nangyari na kami ay tumakas mula sa harapan ng mga tagapaglingkod ni Laban, at kami ay kinailangang iwanan ang aming ari-arian, at ito ay nahulog sa mga kamay ni Laban.

27 At ito ay nangyari na kami ay tumakas patungo sa ilang, at hindi kami naabutan ng mga tagapaglingkod ni Laban, at kami ay nagtago sa isang guwang ng bato.

28 At ito ay nangyari na si Laman ay nagalit sa akin, at gayundin sa aking ama; at gayundin si Lemuel, sapagkat siya ay nakinig sa mga salita ni Laman. Kaya nga sina Laman at Lemuel ay nagsalita ng maraming masasakit na salita sa amin, ang kanilang nakababatang mga kapatid, at kami ay hinampas nila maging ng isang pamalo.

29 At ito ay nangyari na habang kami ay hinahampas nila ng isang pamalo, masdan, isang anghel ng Panginoon ang dumating at tumayo sa harapan nila, at siya ay nangusap sa kanila, na nagsasabing: Bakit ninyo hinahampas ang inyong nakababatang kapatid ng isang pamalo? Hindi ba ninyo nalalaman na siya ay hinirang ng Panginoon upang maging pinuno ninyo, at ito ay dahil sa inyong mga kasamaan? Masdan kayo ay umahon muling patungo sa Jerusalem, at ihahatid ng Panginoon si Laban sa inyong mga kamay.

30 At matapos na ang anghel ay mangusap sa amin, siya ay lumisan.

31 At matapos na ang anghel ay lumisan, sina Laman at Lemuel ay muling nagsimulang magbulung-bulungan, na nagsasabing: Paano mangyayari na ihahatid ng Panginoon si Laban sa aming mga kamay? Masdan, siya ay isang makapangyarihang tao, at siya ay maaaring mag-utos sa limampu, oo, maging siya ay maaaring pumatay ng limampu; kung gayon bakit hindi tayo?

Kabanata 4

[baguhin]

øØø KABANATA 1 øØø

1 At ito ay nangyari na ako ay nangusap sa aking mga kapatid, na nagsasabing: Umahon tayong muli sa Jerusalem, at maging matapat tayo sa pagtupad ng mga kautusan ng Panginoon; sapagkat masdan siya ay higit na makapangyarihan kaysa sa buong mundo, kung gayon bakit hindi higit na makapangyarihan kaysa kay Laban at sa kanyang limampu, oo, o maging sa kanyang libu-libong hukbo?

2 Kaya nga umahon tayo; magpakatapang tayo gaya ni Moises; sapagkat tunay siyang nangusap sa tubig ng Dagat na Pula at nahati ito sa magkabilang dako, at ang ating mga ama ay nakatawid, mula sa pagkabihag, sa tuyong lupa, at ang mga hukbo ni Faraon ay sumunod at nalunod sa tubig ng Dagat na Pula.

3 Ngayon masdan nalalaman ninyo na ito ay totoo; at nalalaman din ninyo na isang anghel ang nangusap sa inyo; kaya nga bakit kayo mag-aalinlangan? Umahon tayo; ang Panginoon ay may kapangyarihang iligtas tayo, maging gaya ng ating mga ama, at wasakin si Laban, maging gaya ng mga Egipcio.

4 Ngayon nang masabi ko ang mga salitang ito, sila ay galit pa rin, at patuloy pa ring nagbulung-bulungan; gayunpaman sinundan nila ako hanggang sa kami ay makalabas sa mga pader ng Jerusalem.

5 At noon ay gabi; at aking ipinagawa na sila ay magtago sa labas ng mga pader. At matapos silang magtago, ako, si Nephi, ay dahan-dahang pumasok sa lunsod at humayo patungo sa bahay ni Laban.

6 At ako ay pinatnubayan ng Espiritu, na hindi ko nalalaman noon ang mga bagay na nararapat kong gawin.

7 Gayunpaman ako ay humayo, at nang ako ay malapit na sa bahay ni Laban nakita ko ang isang lalaki, at siya ay bumagsak sa lupa sa harapan ko, sapagkat siya ay lasing sa alak.

8 At nang ako ay lumapit sa kanya natuklasan ko na ito ay si Laban.

9 At namasdan ko ang kanyang espada, at binunot ko ito mula sa kaluban nito; at ang puluhan nito ay purong ginto, at ang pagkagawa nito ay labis na mainam, at nakita ko na ang talim nito ay pinakamahalagang asero.

10 At ito ay nangyari na ako ay napilitan ng Espiritu na patayin si Laban; subalit sinabi ko sa aking puso: Kailanman ay hindi ako nagbuhos ng dugo ng tao. At ako ay umurong at ibig ko na huwag ko siyang patayin.

11 At muling sinabi sa akin ng Espiritu: Masdan inihahatid siya ng Panginoon sa iyong mga kamay. Oo, at alam ko rin na hinangad niyang kitlin ang aking sariling buhay; oo, at hindi siya nakinig sa mga kautusan ng Panginoon; at inalis din niya ang aming ari-arian.

12 At ito ay nangyari na muling sinabi sa akin ng Espiritu: Patayin mo siya, sapagkat inihahatid siya ng Panginoon sa iyong mga kamay;

13 Masdan pinapatay ng Panginoon ang masasama upang isakatuparan ang kanyang mabubuting layunin. Mas mainam na mamatay ang isang tao kaysa sa isang bansa ang manghina at mamatay sa kawalang-paniniwala.

14 At ngayon, nang ako, si Nephi, ay marinig ang mga salitang ito, naalala ko ang mga salita ng Panginoon na kanyang sinabi sa akin sa ilang, na nagsasabing: Yayamang susundin ng iyong binhi ang aking mga kautusan, sila ay uunlad sa lupang pangako.

15 Oo, at inisip ko rin na hindi nila masusunod ang mga kautusan ng Panginoon alinsunod sa batas ni Moises, maliban kung magkaroon sila ng batas.

16 At alam ko rin na ang batas ay nakaukit sa mga laminang tanso.

17 At muli, alam ko na inihahatid ng Panginoon si Laban sa aking mga kamay sa layuning ito—upang matamo ko ang mga talaan alinsunod sa kanyang mga kautusan.

18 Kaya nga sinunod ko ang tinig ng Espiritu, at hinawakan ko si Laban sa buhok ng ulo, at pinugutan ko siya ng ulo sa pamamagitan ng kanyang sariling espada.

19 At matapos kong mapugutan siya ng ulo sa pamamagitan ng kanyang sariling espada, kinuha ko ang kasuotan ni Laban at isinuot ko sa aking sariling katawan; oo, maging ang buong bahagi; at isinuot ko ang kanyang baluti sa aking balakang.

20 At matapos kong gawin ito, humayo ako patungo sa kabang-yaman ni Laban. At habang ako ay humahayo patungo sa kabang-yaman ni Laban, masdan, nakita ko ang tagapaglingkod ni Laban na may mga susi ng kabang-yaman. At inutusan ko siya sa tinig ni Laban, na sumama siya sa akin sa kabang-yaman.

21 At inakala niya ako ang kanyang panginoon, si Laban, sapagkat namasdan niya ang kasuotan at gayundin ang espada na nakasukbit sa aking balakang.

22 At siya ay nangusap sa akin hinggil sa matatanda ng mga Judio, batid niyang ang kanyang panginoon, si Laban, ay lumabas nang gabing yaon kasama nila.

23 At ako ay nangusap sa kanya na para bang ako si Laban.

24 At sinabi ko rin sa kanya na dadalhin ko ang mga ukit, na nasa mga laminang tanso, sa aking nakatatandang mga kapatid, na nasa labas ng mga pader.

25 At inutusan ko rin siya na sumunod sa akin.

26 At siya, sa pag-aakalang ako ay nangungusap hinggil sa mga kapatid ng simbahan, at na ako nga yaong Laban na aking pinatay, kaya nga siya ay sumunod sa akin.

27 At siya ay nangusap sa akin nang maraming beses hinggil sa matatanda ng mga Judio, habang ako ay humahayo patungo sa aking mga kapatid, na nasa labas ng mga pader.

28 At ito ay nangyari na nang makita ako ni Laman siya ay labis na natakot, at gayundin sina Lemuel at Sam. At sila ay tumakas mula sa aking harapan; sapagkat inakala nila na si Laban iyon, at pinatay niya ako at hinangad din niyang kitlin ang kanilang buhay.

29 At ito ay nangyari na tinawag ko sila, at narinig nila ako; kaya nga huminto sila sa pagtakas mula sa aking harapan.

30 At ito ay nangyari na nang makita ng tagapaglingkod ni Laban ang aking mga kapatid siya ay nagsimulang manginig, at malapit nang tumakas mula sa aking harapan at magbalik sa lunsod ng Jerusalem.

31 At ngayon ako, si Nephi, na isang lalaking malaki ang pangangatawan, at gayundin tumanggap ng maraming lakas mula sa Panginoon, kaya nga hinawakan ko ang tagapaglingkod ni Laban, at pinigilan ko siya, upang hindi siya makatakas.

32 At ito ay nangyari na ako ay nangusap sa kanya, na kung siya ay makikinig sa aking mga salita, buhay ang Panginoon, at buhay ako, gayundin na kung siya ay makikinig sa aming mga salita, aming ililigtas ang kanyang buhay.

33 At ako ay nangusap sa kanya, maging nang may panunumpa, na hindi niya kailangang matakot; na siya ay magiging isang malayang tao gaya namin kung siya ay bababa sa ilang kasama namin.

34 At sinabi ko rin sa kanya, na nagsasabing: Tunay na iniutos sa amin ng Panginoon na gawin ang bagay na ito; at hindi ba tayo magiging masigasig sa pagtupad ng mga kautusan ng Panginoon? Kaya nga, kung ikaw ay bababa sa ilang patungo sa aking ama ikaw ay magkakaroon ng lugar sa amin.

35 At ito ay nangyari na si Zoram ay nagkaroon ng lakas ng loob sa mga salitang aking sinabi. Ngayon si Zoram ang pangalan ng tagapaglingkod; at siya ay nangako na siya ay bababa sa ilang patungo sa aming ama. Oo, at siya rin ay nanumpa sa amin na siya ay mananatili sa amin mula noon.

36 Ngayon kami ay nagnais na siya ay manatili sa amin sa layuning ito, upang hindi malaman ng mga Judio ang hinggil sa aming pagtakas patungo sa ilang, at baka kami ay kanilang habulin at wasakin.

37 At ito ay nangyari na nang si Zoram ay manumpa sa amin, ang aming mga pangamba hinggil sa kanya ay naglaho.

38 At ito ay nangyari na kinuha namin ang mga laminang tanso at ang tagapaglingkod ni Laban, at humayo patungo sa ilang, at naglakbay patungo sa tolda ng aming ama.

Kabanata 5

[baguhin]

Kabanata 6

[baguhin]

Kabanata 7

[baguhin]

Kabanata 8

[baguhin]

Kabanata 9

[baguhin]

Kabanata 10

[baguhin]

Kabanata 11

[baguhin]

Kabanata 12

[baguhin]

Kabanata 13

[baguhin]

Kabanata 14

[baguhin]

Kabanata 15

[baguhin]

Kabanata 16

[baguhin]

Kabanata 17

[baguhin]

Kabanata 18

[baguhin]

Kabanata 19

[baguhin]

Kabanata 20

[baguhin]

Kabanata 21

[baguhin]

Kabanata 22

[baguhin]