Pumunta sa nilalaman

Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896/4

Mula Wikisource
Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896 (1962)
edited by Pambansang Komisyon ng Ikasandaang Taon ni José Rizal
Buhat kay Rizal para kay Basilia Bauzon by José Rizal
1929Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896 — Buhat kay Rizal para kay Basilia Bauzon1962José Rizal
MediaWiki:Proofreadpage pagenum template
4. Buhat kay Rizal para kay Basilia Bauzon

Ginang Basilia Bauzon de Leyva,
San Jose, bilang 3

Minamahal kong Impong Ilyang:

Tanggapin ninyo sa may dala nito ang walong salop at kalahati (8 1/2) ng kakaw na ang halaga ay 14 na piso at 7 sikapat. Wala pang naaani ang ina ko hangga ngayon[1] kundi ito at nagpabili siya sa bundok, alalaong baga'y sa mga nanini­rahan sa bundok[2] upang makapagpadala pa sa inyo. Tinang­gap namin ang lankape[3] ni matandang Teang datapuwa't sira na.

Sinasabing ang larawan ay may kapintasan o mga kapin­tasan at aywan ko kung nararapat tayong kumuha niyon. Kung hindi tututol ang tagakuha ng larawan, sa palagay ko'y isang dusena lamang ang nararapat nating kunin.

Mag-utos kayo sa inyong napakamagiliwing apong buong pusong nagmamahal sa inyo.

J. Rizal
  1. Ang tinutukoy na kakaw ay ang inani sa bakuran ng kanilang angkan na nasa likuran ng kanilang bahay. Halos lahat ng bahay sa Kalamba ay may mga bakuran o loobang natatamnan ng mga punung-kahoy na namumunga, bukod sa isang munting bahaging iniuukol nilang taniman ng mga bulaklaking halaman.
  2. Ang tinutukoy na mga naninirahan sa bundok ay ang mga nasa mga bayang bundukin sa Batangan na minsan sa sanlinggo'y nagdadala sa Kalamba ng kanilang mga ani at kalakal.
  3. Ang tinatawag na "lankape" ay isang uri ng hihigan, gaya ng papag, na yari sa pawang kawayan o kaya'y sinahigan ng patpat na kawayan, nguni't ang mga paa at kabalangkasan ay mga kahoy.