Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896/2
Ika-2 ng Hulyo, 1876
Minamahal kong mga kapatid na babae at kapatid na lalaki:
Tinanggap ko ang mga sinelas na may abaloriyo na ipinagkaloob ninyo sa akin sa kaarawan ng kapanganakan ko; iyo’y ikinalugod ko nang gayón na lamang sa dahilang kayo ang may gawa at sa dahilang may pangalan at apelyido ko pa.
Ang mga pinag-aaralan ko ngayo’y[1] Pilosopiya, Pisika, Kimika, Kasaysayan ng Kalikasan, pagdidibuho at pagpapalakas. Akala ko’y makapagdidibuho na ako sa tubig,[2] alalaong baga’y may kulay, datapwa’t nagkamali ako; gayón ma’y gumuguhit ako ng isang marikit na larawan, isang ‘“Cornetero a caballo” o “Mangungurniting nakasakay sa kabayo” at binabalak kong magdibuho sa langis kapag ako’y nag-aral sa Santo Tomas.[3]
Mabuti ako, datapuwa’t si Pantaleon,[4] upang malaman ng kaanak niya, ay labingwalong araw nang may sakit.
Ang mga nota[5] ko’y tatanggapin ninyo sa susunod na sulat ko.
Sabihin ninyo sa ating ama at ina na hinihingi ko ang kanilang banal na bendisyon, at sa aking maliliit na kapatid na babae[6] na magsikap sila sa pag-aaral.
MediaWiki:Proofreadpage pagenum templateKumusta sa buong kaanak, sa dalawa ko pang kapatid na babae,[7] sa minamahal kong bayaw na si Ranito[8] at sa maliit na si Emilio.[9]
Inaasahan kong babalitaan ako ng kapatid kong lalaki[10] tungkol sa pista.
- ↑ Ito ang ikalimang taong ipinag-aaral ni Rizal sa Ateneo Munisipal ng Maynila; noo’y “interno” siya, o kaya’y mag-aaral na nakatira sa Kolehiyo.
- ↑ Ang sinasabing nakapagdidibuho ng tubig ay nakapagpipinta sa pamamagitan ng “acuarela” o walang halong langis.
- ↑ Ang Santo Tomas ay tumutukoy sa Unibersidad o Pamantasan ng Santo Tomas, na kanyang pinasukan nang taong 1878.
- ↑ Ang sinasabing Pantaleon dito ay Pantaleon Quintero, isang binatang taga-Kalamba, na pagkatapos ay naging bayaw ni Rizal dahil sa pakikipagisang-dibdib sa batang kapatid niya.
- ↑ Ang salitang “nota” ay tumutukoy sa mga marka sa pag-aaral at nauukol sa mga natamo ni Rizal nang sinundang panahon o kurso ng pag-aaral.
- ↑ Tumutukoy sa kanyang mga kapatid na batang sina Josefa, Trinidad at Soledad.
- ↑ Ang dalawa pang kapatid na binabanggit ay ang mga may asawa nang sina Narcisa at Lucia, na tumitira nang hiwalay sa kanilang angkan.
- ↑ Ang Ranito ay siyang palayaw na itinatawag sa kanyang bayaw na si Mariano Herbosa, asawa ni Lucia.
- ↑ Ang maliit na si Emilio ay siyang panganay na anak ng kanyang kapatid na si Narcisa.
- ↑ Ang tinutukoy na kapatid na lalaki ay ang tangi niyang kapatid na lalaking si Paciano.