Pumunta sa nilalaman

Pahina:Prosa por José Rizal (JRNCC, 1961).pdf/109

Mula Wikisource
Nabasa at naiwasto na ang pahinang ito


MAKAMISA

Tumigil ang tugtugan at natapos ang misa ni Pare Agaton. Humugong ang simbahan sa bulong-bulungan at sagadsaran ng̃ mg̃a chinelas ñg nag̃agsisilabas. Sagilsilan at pawisan sa init at antok, ang iba’y kukurap-kurap, ang iba’y naghihikab at ga kumukurus pa, ay nagtutulakan sa pagdukuang ñg benditang nakalagay sa dalawang mangkok na pingas, malapit sa pintuan. Sa pagdadagildilan ay may batang umaatug̃al, matandang nagmumurá at nagbubulâ ang labi, may dalagang naninikó, kunot ang noo’t pairap sa kalapit na binata, na tila bagá mauubusan ng tubig na maruming tila na putikang tirahan ng kiti-kiti. Gayon ang pagaagawang maisawsaw ang daliri, málahid man lamang maikurus sa noo, batok, puson at iba’t iba pang sangkap ng katawan. Taás ng̃ mg̃a lalaki ang hawak na salakot o sambalilo kaya, sa takot na madurog; pigil na magaling ng̃ mg̃a babai ang panyo sa ulo at baka mahulog; may nakukusamot na damit, may napupunit na manipis na kayo, may nahuhulugan ng chinelas at nagpupumilit magbalik at nang makuha, g̃uni’t nadadalá ng̃ karamihang tulak ng̃ mg̃a punong bayang lumalabas na taás ang yantok, tanda ng̃ kanilang kapangyarihan. Ano pa’t sa isang hindi nakababatid ng̃ ugali sa katagalugan, ang dagildilang ito’t pagaagawan sa tubig ay makakatakut at maiisip na nasusunog ang simbahan, kundangan lamang at may ilang nagpatirang babaeng may loob sa Dios, na hindi lumalabas kundi nagdarasal ng̃ pasigaw at naghihiyawan na tila baga ibig sabihin:

Ay, tingnan ninyo at kami’y mg̃a banal. Hindi pa kami busog sa haba ng̃ misa.

Tila baga kung tatanungin ang karamihan kung bakit sila pag̃agaw sa tubig na yaon at anó ang kagalig̃an ay marami na manding makasagot ang limá sa isang daan. Ang siyámnapu at lima’y dumadawdaw sapagka’t ugali. Salvaje ang lumabas na hindi nagkurus muna: mag-alkabalero ka na ay huag ka lamang magkulang sa kaugalian.

G̃uni’t kung sasalugsugin ang loob ng lahat ng̃ araw ng̃ linggong yaong, lingo de Pasión, at itatanong sa marami

kung anó kaya bagá ang ipinagdudumali, kung ang takot

99