SA AKING KAANAK:
Humihingi ako ng tawad sa inyo sa dalamhating ako ang nagiging dahilan, datapuwa't malaon man o madali ay sapilitang ako'y mamamatay, at lalong mahalagang ako'y mamatay ngayong ganap na ganap ang aking kaalaman.
Minamahal na mga magulang at mga kapatid: Magpasalamat kayo sa Diyos na nagpapanatili sa aking katahimikan ng loob bago ako mamatay. Mamamatay akong taglay ang pagsang-ayon ng kalooban, at umaasa akong sa aking pagkamatay ay maiiwan ko kayo sa kapayapaan. Ah! mabuti pang mamatay kaysa mabuhay nang naghihirap! Aliwin ninyo ang sarili.
Itinatagubilin ko sa inyong kayo'y magpatawaran sana ng maliliit na bagay sa buhay, at sikaping mabuhay nang nagkakaisa sa kapayapaan at mabuting pagkakasundo. Pakisamahan ninyo ang ating matatandang magulang nang gaya ng ninanais ninyong kayo'y pakisamahan ng inyong mga anak, pagkatapos. Mahalin ninyo sila nang taimtim, sa paggunita sa akin.
Ibaon ninyo ako sa lupa, lagyan ninyo ng isang bato at isang krus sa ibabaw. Ilagay ang aking ngalan, ang araw ng aking kapanganakan at ang sa aking kamatayan. Wala ng iba pa. Sakaling pagkatapos ay ninanais ninyong paligiran ng bakod ang aking puntod, ay magagawa ninyo. – Walang mga anibersaryo. Lalo kong minamarapat ang Paang Bundok.
Mahabag kayo sa kaawa-awang si Josefina.