Mga balita tungkol sa mga kaanak.
- Kalamba, [Laguna]
- Ika-24 ng Hulyo, 1882
[G. JOSE RIZAL]
MINAMAHAL KONG KAPATID:
Tungkol sa nangyari sa nakaraang pista ay hindi ko naisulat sa iyo nang nakaraang koreo, sapagka't natitiyak kong isusulat na sa iyo ni tiyo Antonio, at sa dahilang ako'y nagkaroon ng kaunting kapansanan nang kaarawan ng pista na siyang naging sanhi ng di ko pagkaalam ng alis ng koreo; ngayong nalalaman ko na ay ibabalita ko sa iyo sa ilang salita ang nangyari.
Ilang araw pa muna bago dumating ang pista, halos lahat ng pahayagan sa Maynila ay tumukoy na sa pista rito, at gayon na lamang ang pagbabalita na ang El Comercio ay nakasugat sa kaselanan ng Tinyente ng Guwardiya Sibil ng bayang ito sa pamamagitan ng isang babala, na ang pinakabuod ay nagsasabing magkakaroon ng maraming pasabong at iba pang bagay; at wala namang dahilan upang dibdibin ng ginoong Tinyente ang gayon, sapagka't kung siya ma'y pinupulaan sa isang dako, sa kabilang dako nama'y pinupuri siya nang buong kasaganaan; samantala'y dumaraan ang mga araw ng paghahanda ng mga entablado, mga arkong kawayan at iba pang bagay at dumarating ang sinusundang araw ng bisperas at nagdaratingan ang mga taong galing sa iba't ibang bayan; anupa't ang lahat ay humuhulang ang pista'y magiging masigla at dakila; binibigyan ko ng matuwid ang El Comercio sapagka't