Pumunta sa nilalaman

Pahina:Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896 (JRNCC, 1962).pdf/565

Mula Wikisource
Nabasa at naiwasto na ang pahinang ito


Kung magagawa mo ang magtanung-tanong kung may nagnanais magbili ng isang mabuting aklat tungkol sa mga sakit ng pandinig, ay ipinakikiusap ko sa iyong bilhin mo at ipadala sa akin sa unang pagkakataon. Marami ako ritong mga maysakit. Datapuwa't ang salaping ibibili ay kukunin mo sa salaping laan ko sa Trozo.

Dito'y patuloy kaming mabubuti, ang bahay namin ay lumalaki nang unti-unti.

Hindi ko malaman kung ano ang nangyayari kay Senyora Neneng at kay Silvestre sa sakit nila. Tinitiyak ko sa iyo na ang magandang kapalaran ko rito ay nagkakaloob sa akin ng maraming tagumpay bagaman kaunti lamang kuwalta. Ang mga tanging nagsisiuwi nang hindi gumaling ay ang mga may malaláng sigam na may mga butas na ang bagà at isang may malamang bukol sa lalamunan na ayaw lumanghap ng kloropormo. Nais kong matira riyan upang ako ang gumamot sa inyo.

Malamang na dito'y magiging kinatawan ako ng isang samahan ng mga mag-aabaka, at kung magkagayon ay kakailanganin ko kayo riyan sa pagbibili: kung ang isang pabuya sa halagang 5 bahagdan ay ikasisiya ninyo, ay sabihin ninyo sa akin.

Hanggang dito na lamang ngayon, mga magiliwing kumusta kay Senyora Neneng at maraming halik sa mga bata.

Wala ng iba, ang bayaw mong nagmamahal sa iyo.

RIZAL






—539—