Pumunta sa nilalaman

Pahina:Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896 (JRNCC, 1962).pdf/55

Mula Wikisource
Napatunayan na ang pahinang ito


Kasamaang-palad ko na yata ang makakita ng mga lungsod kung sumisikat ang araw, bagay na ikinahahanga ng naglalakbay na nakamamalas nang buo ng isang bagay na kaayaaya at hindi unti-unti. Ipagpaumanhin ninyong ilarawan ko ang Marselya, sa dahilang lahat ng masasabi ko tungkol sa napakalalaking mga bapor, mga albor na wari'y isang gubat sa karamihan at mga pausukan, tungkol sa maliliit na mga bangka, mga gusali, mga templo, at iba pa ay magiging pawang mapusyaw at malamig, lalo pang malamig kaysa aming dinaramdam doon. Ako'y nasa-kubiyerta, nakaamerikana at nakaguwantes, at inip na inip na sa pag-aantay ng pahintulot na bumaba. Dito, ang mga paalaman, pagsalubong, mga iyakan, mga pulis na Pranses na nagkalat sa lahat ng dako, mga mamamangka, mga tagapasan, na nangagsisibati nang buong pitagan, ay nag-aalok at naghahandog ng kanilang paglilingkod. Imbing salapi! Sa wakas ay dumating ang sandaling nararapat kong ipagpaalam sa mga naging bagong kaibigan at kakilala ko, mga taga-ibang lupa't mga kastilang nagbigay sa akin ng kanilang mga tarheta at larawan; at sinusundan ng isang mamamangka'y umahon ako sa Aduwana. Ang paggalang ng mga Pranses ay nahahayag kahit na sa mga opisyal sa aduwana na humingi muna ng aking paumanhin bago ako tinawag nang buong pagpipitagang magagawa nila; at sumakay ako sa isang karwahe at nagtuloy sa Gran Otel Noailles19 na nasa Cannebiere.20 Ito'y isa sa lalong mabubuting otel sa Marselya, kundi man siyang pinakamabuti, at may lahat ng kaginhawahan; ang mga hagdang yarí sa marmol ay nalalatagan ng alpombra, mga asensor na idraulikong ginagamit sa pag-akyat o pagpanaog nang hindi kailangang itaas kahit na isang paa sa lahat ng palapag, mga taga paglingkod na nakasuot ng prak, puting kurbata, at malilinis at magagarang mga silid na may mga aparador; mga luklukang may tresiyopelo at nayuyutyot, mga kuliling na elektriko, mga hihigang maharlika, sa madaling sabi'y paglilingkod na walang maipipintas. Sa halagang apat na prangko isang araw nguni't walang pagkain ay tumigil ako sa isa sa mga silid niyon. Datapuwa't kailangang isaalang-alang na dito, kahit na ang ilaw dagitab ay bukod na binabayaran. Ang silid ko'y puno ng mga kurtinang
_______________

19 Ang otel na ito ay isa sa mga lalong mabubuti nang dumating si Rizal sa Marselya. Sinasabing ang naturang otel ay isa sa mga lalong matatanda na roon at nagsimula noon pang 1679, at kung mamasdan ang nakalagay na eskudo ay tila itinayo ng isang obispo. Ang otel na ito'y buhay pa hangga ngayon sa ayos na katulad din noong si Rizal ay tumuloy doon nang taong 1882. Si Rizal ay tumira sa isang silid sa unang palapag ng otel.

20 Ang "Cannebiere" na kaagapay ng daang Neusilles, ay siyang masasabing pinakamahalaga't pangunahing ugat na daanan ng daungan ng Marselya.


—29—