bagay tungkol sa pakikipag-usap ko sa isang manggagamot na
kabig ni Arabi-Bey,16 na malamang ay nakaaalam ng binabalak
sa mga sandaling iyon. Datapuwa't ang ginoong iyon ay walang
ipinahiwatig na anuman at noong kami'y nasa-Kanal ay inakala
naming doo'y payapa't tahimik. Buhat sa Nápoles ay naglakbay kami nang maghapon at lagi na naming natatanaw ang
Italya, datapuwa't ang dagat ay binulabog ng hanging tinatawag na "mistral" at ang sasakyan ay gumiwang-giwang nang
gayon na lamang. Kinabukasan, nang ika-12, ay dumaan kami
nang malapit sa Corcega, ang bayang sinilangan ni Napoleon;
ang mga baybayin ay di lubhang matao, lalong bulubundukin
at magaspang, at malaki ang dapat ikainggit sa kalinangan ng
lupa ng mga Italyano. Kinagabihan at pagkatapos na ako'y
sumuray-suray, maginaw pa naman noon, kaya napilitang tanggapin ko ang balabal ng maybahay ni Salazar17 bagaman ako'y
naka-tsaleko at amerikana, ay natanaw namin ang mga
tanglaw-dagat ng Marselya. Sa panahong ito, ang araw ay lumulubog sa ika-7 at sapagka't ang dapit-hapon ay napakaluwat,
hanggang ika-8:30 ay maliwanag pa. Kinagabihan, nang
mag-iika-10:00 o ika-11:00 ay tumigil kami, sapagka't ipinagbabawal ang pumasok, at nasa-harap namin, bukod pa sa ibang
mga pulô ang Kastilyo ng If.18 Ang isang lungsod na namamalas kung gabi, may mga tanglaw na iba't ibang kulay at mga
ilaw dagitab, na parang nagyayao't dito, ay tila isang dambuhalang may sanlibong mata, di mapakali at mapaghinala.
Kaya, ipinagpaumaga na namin ang aming pananabik.
______________
16 Arabi-Bey (1841-1911) na siyang namuno sa pagbabagsak sa kapangyarihan at umagaw sa "khedive" ng Ehipto, at pumayag, kung di man siyang nag-utos, na patayin ang mga europeo. Ang kilusang ito'y madaling nasugpo ni Heneral Wolseley nang taon ding ito sa labanan o digmaan sa Tel-el-Kebir.
17 Maria ni Salazar, ang tunay na pangalan nito. Siya'y kabiyak ng dibdib ni C. Salazar, na naging Gobernador sa Antike, at kasama ni Rizal na naglalakbay nang 1882. Sa malas, ang mag-asawang Salazar ay kabilang sa iilang kastilang nagtira sa Pilipinas na hindi nahawa ng masamang hangin ng pagtatangi-tangi at masamang pagpapalagay na naghahari noon. Ang wika ni Rizal sa kanyang Talaarawan sa Paglalakbay tungkol sa kanila: "Tunay ngang natagpuan ko ang mag-asawang magiliwin, na sa aki'y tumanggap ng buong giliw at lugod na pinagkaugalian na nila. Si G. Salazar, na isang tunay na larawan ng kagandahang-loob at kasiglahan ay nagtanong sa akin ng maraming bagay, hanggang sa siya'y nag-abalang samahan ako sa bahay ng isang mananahi, at sapagka't hindi pa ako nag-aagahan, ay sinamahan niya ako sa asensor hanggang sa kakanan sa ibaba at ako'y itinagubilin pa sa tagapaglingkod. At matapos na humingi sa akin ng paumanhin ay nagtungo na sa kanyang mga hanap-buhay. Ang ginoong ito'y karapat-dapat sa pagpuri ng lahat ng makakilala sa kanya."
18 Ang "Castillo de If" ay isang kuta o muog na ipinagawa ni Francisco I. Nasa-ibabaw ng isang bundok na batong buhay sa Pulo ng If, dalawang milya ang layo sa timog-kanluran ng daungin; pinapaging bantog ito ni Alejandro Dumas sa kanyang nobelang "Conde de Montecristo". Ang nobelang ito, na isa sa mga kauna-unahang binasa ni Rizal noong kanyang kasikatan, ay nakatulong ng malaki sa ugali't kaasalan at sa buong buhay ni Rizal.