Pumunta sa nilalaman

Pahina:Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896 (JRNCC, 1962).pdf/470

Mula Wikisource
Nabasa at naiwasto na ang pahinang ito


146. Buhat kay Rizal para sa kanyang
mga magulang at mga kapatid




Hongkong,
Unang araw ng Disyembre, 1891


MINAMAHAL KONG MGA MAGULANG AT MGA KAPATID:

Sinusubaybayan kong hakbang-hakbang ang malungkot na kalbaryong inyong nilalakad. Huwag kayong matakot, at walang likat ang aking pagsisikap at pagsusumakit. Kung ako'y pahihintulutan ninyong makipiling diyan, ay di gagaanong kagalakan ang aking tatamuhin. Marahil ay magbabago ang lahat ng bagay. Ipagkaloob ninyo, samaktuwid, ang pahintulot na ito at ako'y uuwi agad. Umaasa ako at natitiyak kong makaiigtad tayong mabuti.¹

Napag-alaman ko ang pagyao sa Holó ng apat na kababayan natin,2 at ang pagbalik ng aking kapatid na lalaki sa Maynila.3 Napag-alaman ko ring sina Nanay, Pangoy at Trining ay tinawag uli sa pamahalaang sibil.4 Pagtitiis, kaunting pagtitiis. Katapangan.

Sa dahilang kinakapos ako ng panahon, ay winawakasan ko ang liham na ito.

Maalab ang pagnanais kong mayakap kayo.

Ang inyong anak,,
J. RIZAL

1 Kararating pa lamang ni Rizal sa Hongkong buhat sa Europa nang sulatin niya ang liham na ito, at buong pananabik na naghahangad na makapisan ng kanyang mga magulang at mga kapatid sa Pilipinas.

2 Ang apat na kababayang tinutukoy ay ang mga pinatapon sa Hulo, na pawang taga-Kalamba. Sila'y sina Kapitan Nicolas Llamas, Patricio Rizal Mercado, Cayetano de Jesus, pangulo ng balangay, at Felipe Habacon Cañope, na pawang isinakay na tungo sa Hulo noong Nobyembre, 1891.

3 Ito ang kapatid niyang si Paciano na nagbalik sa Maynila matapos na tumakas sa pagkakatapon sa Kalapan, Mindoro.

4 Tinutukoy ang kanyang ina at ang kapatid na dalagang sina Josefa at Trinidad, na binabagabag at pinag-uusig na muli nang wala namang sumbong ni paratang na inihaharap.

—444—