kaibigan mo sa Maynila, sa pag-asang sa gayo'y mapatatahimik
ko ang kanilang kalooban; datapuwa't gayunma'y namamalas ko
rin siyang malungkot; nang mamalas ko ito at sa takot na baka ang di niya pag-imik ay kanyang ipagkasakit ay ipinagtapat ko na ang lahat, nguni't sa kanya lamang naman, at ipinamanhik
kong pakaingatan lamang ang lihim, bagay na kanya namang
inayunan; buhat lamang noon namalas kong siya'y masaya-saya
na at nagbalik sa dati niyang pinagkaugalian. Ito ang nangyari
sa loob ng ating angkan. Tungkol sa mga kaibigan, kakilala o
hindi man sa ating bayan at sa mga karatig ay marami ring
araw na ang iyong pag-alis ang siya na lamang naging sanhi ng
usapan; marami ang humuhula at may mga tumitiyak pa, nguni't walang sinumang tumatama sa tunay na katotohanan.
Kahapon ay nakaumpok ko ang mga "nakasaya" [prayle]; ang ilay'y nagbibigay-matuwid sa iyong pag-alis, ang iba nama'y hindi, at sa dahilang pinagtibay natin ang ganitong kaparaanan (sapagka't sa ganang aki'y siyang pinakamabuti) ay nararapat nating panatilihin.
Kahapon ay dumating sa bahay ang kapatid ni B. Teodoro na humahanap ng mga ibig magpadala ng Diariong Tagalog, at marami siyang dalang mga sipi ng patalastas tungkol sa nasabing pahayagan; tinulungan ko siya nang buong magagawa ko, at inaakala kong ang ating bayan ay hindi mapapahuli sa alin man sa kanyang lalawigan, alinsunod din sa kanyang patotoo; dito'y mapagkikilala mo ang tunay na katotohanan ng talagang nangyari.
May dalawang linggo na ngayong si Tasyo ay may lagnat na tipus at ang medikong si Lucino na siyang gumagamot sa kanya ay tila nawawalan ng pag-asang siya'y mailigtas; makalawa nang pinaparoon sa bahay ang kanyang utusan upang ikaw ay tawagin, at tiniyak niyang ikaw ay bumalik na buhat sa paglalakbay.
Gaya ng sinabi ko na sa unahan, ako'y napasa Maynila pagkaalis mo. Doo'y ibinigay sa akin ang mga sulat mo na ipinadala ko naman sa mga kinauukulan. Ang mga kasangkapan mo rito sa Maynila ay hindi ko muna iuuwi sa Kalamba, kundi sa dakong huli, ayon sa pinagkasunduan namin ni tiyo Antonio; hinggil sa ibang ipinagbibilin mo ay wala akong makitang kadahilanan upang huwag gawin ang gayon.
Ibinigay ko kay tiyo Antonio ang isang halaga upang ipadala sa iyo sa pamamagitan ng "letra de cambio", na kalakip nito; alamin mo ang nilalaman ng kanyang sulat na kalakip nito.