Pumunta sa nilalaman

Pahina:Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896 (JRNCC, 1962).pdf/422

Mula Wikisource
Napatunayan na ang pahinang ito


127. Buhat kay Concha Leyba para kay Rizal




Mga gunitang nakalulugod at nakalulungkot nang gayon

na lamang. Mga balita tungkol sa mga

kamag-anak at mga kaibigan.
Maynila
Ika-20 ng Abril, 1890


MINAMAHAL KONG JOSÉ:

Tinanggap ko ang sulat mo nang ika-23 ng Pebrero. Doo'y inilarawan mo ang ilang gunitang lubhang nakalulugod at lubha ring nakalulungkot, sapagka't ang mga iyo'y mga araw na lubhang masaya para sa akin, kung itutulad sa buhay na ito sa kasalukuyan, na totoong masaklap.

Kay lungkot maulila sa ina, lalo na ng isang inang gaya ng nawala sa akin! Ito na ang kahuli-hulihang hampas na maaaring ibigay sa akin ng Tadhana, sapagka't sa katunayan ay tiniis ko na ang tanang maaaring tiisin sa daigdig.

Totoo ngang siya'y namatay na naliligid ng buong kaanak niya at sa sariling bayan, datapuwa't ang kahabag-habag ay namatay na tumatangis, dahil kaipala sa mga gunitang sumasagi sa kanyang gunam-gunam kung naaalaala ang napakaraming bagay na tiniis niya sa kaluluwa.

Ninanais mong malaman marahil, kung ano ang aking mga balak para sa hinaharap; anu-ano nang mga balak ang ninanais mong gawin ko? Itangis nang walang tigil ang buhay na itong napakalungkot; alagaan at sikapin ang ikabubuti ng aking sawimpalad, ng anumang bagay para sa aming kinabukasan. Ako'y walang mga hangarin liban sa makitang maliligaya sila.

—396—