"Sa patalastas ng ika-22 ng Hulyo ng Pamahalaang Pangkalahatan, ay minarapat na hiranging Gobernadorsilyo ng bayang iyan ang nasa-ikalawang lugar na si Don Eusebio Elefaño.
Gaya ng sukat mong maakala, ang huling utos ay nagpapawalang bisa sa una, samakatuwid ang ating gobernadorsilyo ngayon ay si Sebio, at dahil dito'y nagpupuri nang gayon na lamang ang Sindiko dahil sa kanyang tagumpay.
Sinasabing sa mga halalan at sa pagpapatibay ng mga katitikan sa dalawang taong ito ay nagkaroon ng higit na mga salamangkahan sa taong ito kaysa mga nakaraan buhat pa ng pagkakatuklas sa atin. Nararapat kayong sumulat upang maalis ang mga "terna" at sa gayo'y mawawala na rin ang mga kalatas at mga ulat, ang mga suhulan at ang mahihigpit na paglalaban ng mga pangkatin; at kung sa kasamaang-palad, ang mga manghahalal ay makapaghalal ng isang masamâ, sa bagay na iya'y mayroon tayong Kodigo Penal, na hindi isang walang kamunasang titik, kung iibigin. Bakit hindi gawin diyan sa pamamagitan ng "terna" at mga ulat ang paghahalal ng mga Diputado?
- Ang libron totoon cailangan ngayon, sa acala co ay isang uicang tagalog, sapagcat dumidilim pa ang nasa-cadiliman.
Ipinadadala ko sa iyo ang bahagi ng isang kasulatang pampamahalaan na maaaring nawala o nasa-tataguang sulat ng Audiencia o Arzobispado, at baka sakaling magagamit mo iyan sa anuman. Ang kura sa Los Banyos ay nagpayo sa isang tao na maaari niyang ipagbili ang kanyang mga lupa kahit kanino huwag lamang sa ating angkan. Ito'y nangangahulugan na maging sa mga lupa ng Asyenda at maging sa mga lupang sarili ay hindi mangyayaring mabuhay nang tahimik hanggang may mga prayle, kaya't kinakailangang pag-ibayuhin ang pagsisikap kung nais din lamang na manumbalik ang kabutihan ng lahat.
Huwag mong kalilimutan ang usapin ni Lucia.
_____________________
* Ang talatang ito'y sadyang nasusulat sa tagalog, at hindi namin binago ang pagkakasulat.