Pumunta sa nilalaman

Pahina:Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896 (JRNCC, 1962).pdf/417

Mula Wikisource
Napatunayan na ang pahinang ito


Ang Sindiko, na hindi magkasiya sa malaking kasiyahang-loob ay nagbigay sa bawa't kuwadrilyero ng isang piseta.

Ang pista sa taong ito'y nairaos nang buong lungkot: dalawang banda ng musika, isang karilyo ng mga insik, mga bomba at mga ruweda sa araw, at ang mga kampana'y gayon na lamang kaingay, na kung sabay-sabay na pakikinggan ay labislabis para sa isang ibig o hindi na magsaya. Mangilan-ngilan lamang ang dumalo, datapuwa't napakaraming pagrerekisa ang ginawa ng guwardiya sibil, at mga pagtatanod at pagmamanman ng mga kuwadrilyero; ang guwardiya sibil ay sa paghanap, umano, ng mga sugalan, at itong huli'y dahil sa mga bulungbulungang kumakalat: ang mga bulung-bulungang ito'y dili iba kundi may mga hinango umanong mga sandata sa Mainit, sa isang maliit na bapor nang hatinggabi, at ang mga sandatang ito'y itinago sa kumbento; ang gawaing ito'y napatotohanan, gaya rin naman sa Sta. Rosa, na ang mga nasabing sandata'y gagamitin sa isang masamang kaparaanan dahil sa kanilang layunin sa dakong huli, at sasamantalahin ang pista ng Kalamba; sa Asyenda'y nagkaroon ng maraming panauhin (may 40 relihiyoso ang karamihan), at sa loob din ng Asyenda ay nagsindi ng maraming bomba, at pagkatapos ay nagkani-kanya nang lakad sa pag-uwi. Kung susuriin ng hiwa-hiwalay ang mga bulung-bulungang ito ay walang katuturan, nguni't kung pagsasama-samahin at gagawing batayan ang hula ng Sindiko sa kanyang pagdalaw, ay nagkakaroon ng anyo ang mga bulung-bulungang itong walang katiyakan. Sinasabing ang mga sandatang iyo'y wala na sa Los Banyos at Sta. Rosa kundi nasa-Asyenda na ng Kalamba. Hinggil sa bagong gobernadorsilyo ng bayang ito, ay sisipiin ko ang utos sa kanya ng Gobernador:

"Gobernadorsilyo ng Kalamba.

"Sa unang araw ng papasok na buwan ng Hulyo, ika-8 ng umaga, ay haharap kayo sa Pamahalaang ito na may kasamang isang lupon ng mga tanyag sa bayan at ang nahalal na si Don M. Belarmino, upang ibigay dito ang tungkuling pagka-gobernadorsilyo, dahil sa pagkakahirang sa kanya.

"Tupdin at ibalik.
Sta. Cruz, 26 ng Hulyo, 1889. -JUAN MOMPEÓN.
"Gobernadorsilyo ng Kalamba.


—391—