yang pagka-kinatawan ng Heneral ng kanilang Orden, ay may
antas na parang isang Gobernador, na ang kanyang titulo'y
walang lagda ng Hari, na gaya ng iba, kundi ng Papa, na ang
dapat ipamagat sa kanya'y Kadaki-dakilaan, na kanyang nalibot na ang pitong lalawigan, at doo'y tinanggap siyang gaya
ng nararapat sa kanyang mataas na tungkulin, maging sa mga
bayan ng mga igorot, at ang Kalamba, dahil sa hindi siya sinalubong, ay ipinalalagay niyang mababa pa at hamak kaysa
mga bayang iyon ng mga igorot, at, sa wakas, ang Diyos ay
hindi natutulog, at hinuhulaan na niya ang napakabigat na kaparusahan sa mga araw na napakalayo. Sa lahat ng pangaral
na ito'y sumagot ang gobernadorsilyo, na sa dahilang hindi siya
tumatanggap ng utos ng mga nakataas sa kanya ay inaakala niyang hindi niya tungkuling magpamalas ng gaya ng ginawa ng
mga taga-Kabuyaw. Ang kasagutang ito'y isinamâ ng ulo nang
gayon na lamang ng Sindiko, na kinabukasa'y nagtungo sa Sta.
Cruz upang makakuha sa Gobernador ng isang utos na siya'y
salubungin, at ihatid na kasama ang mga tanyag na tao sa bayan at ang mga kuwadrilyero, (masasamang dila ang nagsasabing
nagkahalaga sa kanya ng malaki ang utos na ito); ang utos ay
ipinadala sa pamamagitan ng pahatid-kawad nang araw ding
ang Sindiko ay sumakay na patungo sa Kalamba, nguni't gayon
na lamang kasama ng kanyang kapalaran, sapagka't nang umahon
siya sa bapor ay walang nakitang isa mang pangit na alguwasil; at
sa dahilang dinaramdam niya, marahil, ang pagkakagugol at
pagpapagod nang walang katuturan, ay matagal ding naghintay
muna sa daungan sa pagbabaka-sakaling may dumating ding salubong, nguni't sanhi sa siya'y nagugutom na at noo'y may kolera nang umiiral, ay nanaig na lalo sa kanya ang hangad na
mabuhay at sumakay sa karwahe na nagbubuntung-hininga.
Nang siya'y nasa-bahay-Asyenda na ay saka dumating doon
ang gobernadorsilyo at ilang mga kabisa upang siya'y batiin.
Ang switik ay nagtangkang maghiganti, kaya't ibinabala ang
kanyang pag-alis nang hapon ding iyon, kaya naman ang mga
matataas na puno ng pamahalaan at ang mga kuwadrilyero ay
nagsidalo roon nang kinahapunan, at sila'y pinapaghintay ng
mahigit na dalawang oras. Pagkatapos ay nagsabing ipinagpapaliban niya ang pag-alis sa kinabukasan, at ito nga ang ginawa.
Pahina:Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896 (JRNCC, 1962).pdf/416
Itsura
Napatunayan na ang pahinang ito
—390—