Pumunta sa nilalaman

Pahina:Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896 (JRNCC, 1962).pdf/408

Mula Wikisource
Napatunayan na ang pahinang ito


nap-buhay, ay nararapat na akong bumalik sa bayang iyon. Isipin mo munang mabuti bago gawin ang paglakad, sapagka't maaaring gumawa ng isang kabalbalan sa ating katauhan ang pangunahing pinunong ito, kapag napagtalastas na tayo'y nagsumbong laban sa kanya; inaakala kong ang lalong mabuti'y hinging pigilin siya sa tungkulin sa pamamagitan ng hatid-kawad o isa kayang malakas na tagubilin; sa anu't anuma'y ipinauubaya ko sa iyong mabuting pasiya. Bukod dito'y nararapat mong lakaring pigilin muna ang aking pagparoon o pagbalik kung sakali; hanggang hindi naipadadala ang mga kasulatan.

Ang Superior dito ay laging nasa-kapangyarihan ng mgaprayle. Buhat pa ng Setyembre ay ipinamamarali na ng mga uldog na tagapangasiwa ang pagparito ng Heneral, at sinasabi ng Sindiko sa mga namumuwisan na ang Heneral ay kanyang kaibigan, at kapag naparito ay kanyang ibubunyag at ipahuhuli ang maibigan niyang ipadakip; makaitlo o makaapat na ibinabala ang gayon, nguni't hindi nagkatotoo hanggang sa noong ika-15 ng lumalakad ay walang pasa-pasabi sa mga punung-bayan, maliban sa Sindiko, na si P. Gobeas, na dumating ang Heneral, at bukod sa iba ay kasama ng mga prayle, si P. Echevarria, Rektor ng Sto. Tomas, at isang katedratiko sa Letran, na siyang may dala ng kapote ng Heneral nang ito'y maglibot sa bayan, at nang umulan ay siya ring nagbalabal sa Heneral; ang Rektor ay siyang tagapag-alaga ng anak. Sa hapunang inihandog sa Asyenda ay ipinakita ng Sindiko sa Heneral ang talaan ng mga may-utang na mamumuwisang taga-Kalamba, at sa talaang ito'y lumalabas na hindi sila nagsisipagbayad ng anuman, at sa taun-tao'y lumalaki nang gayon na lamang ang pagkakautang na ito, kaya't ang Heneral ay namangha ng labis-labis na para bagang ang pagkakautang na yao'y sa kaban ng bayan; sinabi roon ng Sindiko at ng mga uldog na ako ang punung-dahilan ng gayon at ng kawalan ng katahimikan ng Kalamba; ang tenyente ng guwardiya sibil, na bago pa lamang sa bayan (sapagka't hinalinhan ang dating narito nang ako'y unang ipatapon) at ang kurang si Añonuevo ay kapwa nagpatotoo sa gayon. Nang ako'y nasa-Sta. Cruz noong ika-24, dahil sa

—382—