Pumunta sa nilalaman

Pahina:Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896 (JRNCC, 1962).pdf/404

Mula Wikisource
Napatunayan na ang pahinang ito


May ilan pa kaming nakakasalubong nguni't sila'y hindi namin nakakausap.

Bagay sa suliranin ng asyenda,1 ay isinangguni ko na sa ilang manananggol dito, at ang ipinayo nila ay itong sumusunod: huwag magbayad ng buwis, at kapag naningil ang Asyenda, ay hingin ninyong ipakita ang mga katibayan ng pagmamay-ari, at sa gayon ang usapin ay maaaring pagtalunan at siyasatin. Sa anu't anuman, ang usapin ay maaaring itaas sa Kataas-taasang Hukuman. Hindi makasasalabid ito upang kami'y sumulat ng isang polyeto2 na tumatalakay sa suliraning ito at maglalaman ng lahat ng kinakailangang bagay na nasa aming kamay.

Kapag kayo'y sumulat sa akin, ay ipinakikiusap kong balitaan ninyo ako tungkol kay Pangoy, Trining at Choleng sapagka't wala akong kaalam-alam tungkol sa nangyayari sa kanila.

Yaong taong taga-Malabon3 na ginamot kong ilang a raw bago ako umalis ay dumating dito. Kamakalawa siya dumating at kahapo'y dinala ko siya sa pagamutan at siya'y tinistis; ginawa sa kanya ang pagtistis ding sinabi kong gagawin sa kanya, iyong pagtistis na ginawa ko sa isang taga-Pateros, sa aking ina, at iba pa. Ang sinisingil sa kanya'y 300 piso, datapuwa't dahil sa ilang pagsasaalang-alang ay 100 piso na lamang ang ipinabayad sa kanya. Ipinaliwanag ko sa aking propesor,4 na sa dahilang siya'y isang mag-aaral at napakalayo ang pinanggalingan, ay napakalaking halaga na ang kanyang nagugol sa paglalakbay. Ako'y binalitaan tungkol sa inyo.


1 Ang sinasabing suliranin ng asy enda ay tumutukoy sa usapin ng mga paring dominiko, na siyang mga nag-aari ng asyenda ng Kalamba, at ng mga mamumuwisan doon.

2 Tunay ngang si Rizal ay sumulat tungkol sa usaping ito ng asyenda ng Kalamba, nguni't iyo'y nang dakong huli na, nang mga unang araw ng taong 1890, at ang kanyang artikulo'y pinamagatang "Pleito de Calamba contra los Dominicos" (Ang usapin ng Kalamba laban sa mga Dominiko).

3 Ang tinutukoy na taga-Malabon ay si G. Lorenzo Tuason, isang mayamang tagaroon na nagtungo sa Europa upang pagamot sa sakit ng kanyang mata.

4 Ang binabanggit na propesor ay walang iba kundi si Dr. Louis de Wecker.

—378—