pawikan [pahas] ay nagkakahalaga ng higit sa isang duro).
Ang Liverpool ay isang bayang malaki at kaakit-akit at ang
balitang daungan niya ay karapat-dapat sa kanyang kabantugan.
Ang pasukán ay maringal at ang gusali ng adwana ay mabuti
ang pagkakaayos.
Kinabukasan, ika-25, ay sumakay kami sa Midland Railway patungong Londres: kalugud-lugod ang dinaraanan, ang lupain ay natatamnan, may maliliit, malilinis at maririkit na bahay, at malalaking pagawaan. Kinahapunan ay dumating kami sa Londres at tumuloy kami sa malaking Midland Otel. Buhat dito'y ipinagtanong ko ang aking mga sulat, humanap ako ng isang bahay, at iba pa; noong una'y nangasera ako sa Daang Beresford datapuwa't pagkatapos ay hindi ako nasiyahan doon at bago makaraan ang isang linggo ay umalis ako at lumipat dito upang mangasera sa isang mag-aanak. Hindi masamâ itong aking tinitirhan. Ako'y may dalawang silid, ang isa nito'y tulugán, maliit at mainit, ang isa pa'y aralán, sulatán at tanggapan ng mga dalaw.
Ang mag-anak ay binubuo ng asawang lalaki at ng kanyang maybahay, apat na anak na babae at dalawang anak na lalaki; ang mga anak na babae ay nagngangalang Gertrudis (Tottie), Blanche (Sissie), Flory at Grace; ang dalawang nauna ay mga dalaga na, at may mga kasintahan. Si Tottie ay mabuting umawit at sinasaliwan siya ni Sissie. (Binibigkas na Toti, Sisi). Sa dalawang anak na lalaki, ang isa'y kawani at ang isa pa'y umaawit sa simbahan. Ang bahay at ang pagkain ay nagkakahalaga sa akin nang hindi kukulangin sa 45 piso. Sa Inglatera, ang lahat ng bagay ay lalong mahal kaysa ibang pook sa Europa.
Ang mga araw ng Linggo rito'y nakaiinip nang gayon na lamang, nakapinid ang lahat, walang nakabukas na tindahan ni dulaan at sakaling tumutugtog ang musika ay tanging awiting simbahan lamang ang tinutugtog. Halos walang makita sa daan kahit isang pangit na sasakyan. Pinararaan ko ang mga hapon ng araw ng Linggo sa bahay ng isang manggagamot na aleman na may isang katipunan ng mga aklat tungkol sa Pilipinas at
3 Mga kaanak ng isang organista sa Katedral na kilala sa pangalang Becket.