Pumunta sa nilalaman

Pahina:Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896 (JRNCC, 1962).pdf/386

Mula Wikisource
Napatunayan na ang pahinang ito


114. Buhat kay Rizal para sa kanyang
mga magulang at mga kapatid




Dagat ng Irlanda,
Sakay ng bapor "City of Rome"
Ika-24 ng Mayo, 1888


MINAMAHAL KONG MGA MAGULANG AT MGA KAPATID:


Sinisimulan kong sulatin ang liham na ito dito sa sasakyang-dagat at binabalak kong tapusin kapag ako'y nakaahon na, at nasa-Londres na ako.

Umalis kami sa Nuweba York noong ika-16 ng buwang kasalukuyan, sakay ng pinakamalaking sasakyang-dagat sa daigdig bukod sa Great Eastern, na siyang pinakamalaki sa lahat, datapuwa't hindi naman paglalakbay. Upang mahagap ninyo ang kalakhan ng dambuhalang ito, ay sasabihin ko sa inyong may tatlong pausukan, at umuubos ng 300 tonelada ng uling na bato araw-araw. Mahigit sa 200 dipa ang haba at 18 ang lapad; may 12,000 kabayong lakas at may 63 pakuluan ng tubig (kaldera). Ang pasyalan sa kubiyerta ng sasakyan ay may 140 dipa. Sa sasakyan ay inilalathala ang isang pahayagan para sa mga sakay, minsan tuwing paglalakbay. Ang mga opisyal at mga marino ay 276; kaming mga sakay ay 604.1 Nagkaroon kami ng masamang paglalakbay, maalon ang dagat, malakas ang hangin, maraming nagsuka, kaya ang paglalakbay ay tumagal ng 8 araw at ilang oras. Darating kami sa Liverpool mamayang gabi; buhat doo'y tutungo ako sa Londres. Nagkaroon


1 Ang City of Rome ay isang bapor na ari ng Inman Line na nagyayaót dito sa Amerika at Inglatera, at ipinalalagay na siyang pangalawá sa laki ng mga sasakyang-dagat nang panahong iyon. Nakapaglululan ng mahigit na 18 "nudo" sa bawa't oras. Sa sulat na ito'y nailarawan humigit kumulang, ni Rizal ang sasakyang ito, na ginawa ng "Barrow Shipbuilding Co."

—360—