pagkakahiga, at sanhi sa kadalamhatiang nagpapahirap sa kanya, ay ni hindi niya maidilat ang mga mata ni hindi maiangat
ang ulo.
Nang mamalas ni Nanay ang panooring itong napakalungkot, ay siyang lumutas ng suliranin at sinabi niya: kung ganyan ka ay huwag ka nang tumuloy sapagka't iyon ay patay na; kung ikaw ay lumubha, ay makakaragdag ka pa sa dalamhati ng buong kaanak. Ngayo'y nakahiga siya at tumatangis, gaya ng sukat asahan, datapuwa't hindi niya kayang maglakbay, bagaman mabuti-buti na ang kanyang pakiramdam; pagkatapos na magamot ang dalawang maysakit ng manggagamot na aming kaanak, ang kilalang si Galicano, na ipinatawag namin agad, ito'y nagsabing hindi nararapat naming ikatigatig iyon.
Malugod sana naming ginawa ang paglalakbay, kung hindi kami pinigilan ng kapansanang niloob ng tadhana. Malaki sana ang aming hangad, datapuwa't totoong mahina ang aming lakas at inaakala kong isasaalang-alang ninyo ito at ipagpapaumanhin sa amin ang pagkukulang.
Ipinasasabi ni Choleng na kapag gumaling siya at umalialiwalas ang pag-iisip ay susulat siya sa inyo.
Utang na loob ay ipaunawa mo ito sa iyong mga magulang, mga kapatid at mga bayaw, at lalung-lalo na kay Silvestre.
Nakikiramay kami sa inyong kalungkutan, ayon sa matuwid, at inaakala naming may sapat kang kainaman ng pagsasalita upang mapahinuhod sila sa pagtitiis.
Marahil ay natanggap na ninyo ang aming telegrama.
Ano ba ang ikinamatay ng kahabag-habag na si Olimpia? at ang mga bata, kumusta sila? mga sawimpalad na nilikha!
Kumusta sa lahat, na ipinahahatid ni Nanay at naming buong mag-aanak, lalung-lalo na ni Choleng, mga halik sa iyong mga pamangkin, at nalalaman mo nang maaari kang mag-utos sa magliliwing kamag-anak mong itong nagmamahal sa iyo.