Pumunta sa nilalaman

Pahina:Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896 (JRNCC, 1962).pdf/338

Mula Wikisource
Napatunayan na ang pahinang ito



na ang ginoong Varang5 iyan ay makasisingil ng 18 bahag: dan, pagugugulin ako sa selyo at paghihintayin ako nang matagal, maaabala pa ang aking mga kaibigan sa Madrid. Kung si Ginoong Vara ay isang marangal na tao, ay hindi siya nararapat mangahas tumanggap ng kuwaltang ipinahihiro at sumingil ng napakalaki kung hindi niya natitiyak na pahahalagahan ang kanyang lagda; sapagka't kung gayo'y masasabing isang kabuhungan ang kanyang ginawi. Inaakala kong magiging lalong mabuti kung lagi kang sa París magpapahiro, sapagka't ang salaping Pransés ay tumataas nang tumataas ang halaga, samantalang ang sa Kastila'y pababa naman nang pababa: ang isang peseta, na sa Pilipinas ay nagkakahalaga ng isang prangko, ay nagkakahalaga ng lalo pang maliit dito sa Alemanya.

Bagay sa aklat ko,6 ay nagkamali ako ng pagkakataya: akala ko'y ang isang libo't limandaang sipi ay magkakahalaga ng 200 piso lamang; ngayong nakausap ko na ang mga manlilimbag at nataya na nila, ang hinihinging kabayaran sa akin ay halos 500 piso; dahil dito'y hindi ko na ipinagpatuloy ang pagpapalimbag niyon. Gayunma'y may isang sumisingil sa akin ng mga 400 piso para sa isang libong sipi, ang bawa't sipi ay maglalaman ng mga 450 panig na may 38 talata ang bawa't panig, katulad ng mga inilalakip ko; ang halagang ito'y inaakala kong malaki, gayong sa Leipzig ay pinakamura ang pagpapalimbag sa buong Europa; sa bawa't dahon ay 12 piso ang hinihingi sa akin samantalang sa Madrid ay nagkakahalaga iyon ng buhat sa 20 hanggang 25 piso. Hindi ako makapangahas, samakatuwid, na humingi sa inyo ng halagang ito, sapagka't inaakala kong napakalaki para sa isang kathang maaaring magbunga ng lalong maraming sama ng loob kaysa kaligayahan; kaya aasa na lamang ako sa kapalaran, sa loteriya, baka sakaling ako'y tumama. Hinggil sa ibang mga pasubali, ay kinakailangang bayaran iyon sa tatlong taning; sa pagsisimula, sa pangangalahati ng gawain, at sa katapusan, at ang paglilimbag ay tatagal ng mga limang buwan. Isinasakit ng gayon na lamang ng aking kalooban na hindi maipalimbag ang aklat na


5 Si G. Vara ay isang mangangalakal na kastila na tumanggap ng padalang kuwaltang ito sa pamamagitan ng kasulatan sa pagpapalit, gayong wala naman siyang kabalitaan o tanggapang kaunawaan kundi sa Madrid lamang.

6 Ang tinutukoy niyang akda ay ang Noli Me Tangere.

7 Nakakita ng ibang manlilimbag sa Berlin na sa kanya'y tumanggap na limbagin ng 2,000, sipi ang kanyang akda, sa halagang 300 piso lamang.

8 May katuwiran si Rizal; ang kanyang akda ay nagbunga sa kanya at sa kanyang mga kaanak ng lalong maraming sakit ng ulo kaysa kaligayahan; nguni't ang naging hangga sa huli ay hindi masusukat kundi sa mga ibinunga sa politika at sa pagsasamahan.

—312—