Pumunta sa nilalaman

Pahina:Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896 (JRNCC, 1962).pdf/318

Mula Wikisource
Napatunayan na ang pahinang ito


Kung ang kapatid nating babaing si Maria ay dito nakapag-aral sa Alemanya, ay napatangi sana siya, sa dahilang ang mga babaing aleman ay masisipag at parang mga lalaki. Wala silang takot sa mga lalaki, iniingatan nila ang lalong mahahalagang bagay kaysa mga pakitang-tao lamang. Hangga ngayon ay hindi pa ako nakaririnig ng pag-aaway ng mga babae, bagay na sa Madrid ay tinapay na pang-araw-araw.

Kahina-hinayang na diyan sa ating bayan ang pinakamahalagang palamuti ng lahat ng babae ay binubuo halos lagi na ng damit at ng karangyaan at hindi ng karunungan; hangga ngayon sa mga lalawigan natin ay iniingatan ng babae ang isang kabaitang nagiging kapupunan ng kaunting kaalaman niya, na dili iba kundi ang kasipagan at ang kaselanan ng puso, kabaitan itong huli na hindi ko natagpuan sa sinumang babae sa Europa sa isang napakataas na antas na gaya riyan; kung ang mga katangiang itong inihiyas ng kalikasan sa babae ay pinadakila ng ibang katangian ng pag-iisip gaya ng nangyayari sa Europa, ang angkang pilipino ay wala dising sukat ikainggit sa angkang europeo. Dahil dito, ngayong ikaw ay dalaga pa ay may sapat kang panahon upang matuto, kailangang ikaw ay mag-aral sa pamamagitan ng pagbasa at pagbabasang taglay ang pagmamatyag. Kahina-hinayang na kayo'y napatatalo sa katamaran, gayong ito ay maiwawaksi sa kaunting pagsisikap; sa pat na ang magawi sa pag-aaral at pagkatapos nito ang lahat ay lalakad na sa sariling lakas.

Umaasa akong tatanggap ng sulat mo upang makita ko kung ikaw ay sumusulong o hindi; kung kaya mo, ay sumulat ka sa akin sa wikang kastila.

Ang iyong kapatid,
RIZAL
—292—