Pumunta sa nilalaman

Pahina:Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896 (JRNCC, 1962).pdf/316

Mula Wikisource
Napatunayan na ang pahinang ito


tulong ako sa paggamot at bagaman hindi ako nakapapanood ng maraming pagtistis, gaya sa Paris, ay lalo namang marami ang aking natututuhan dito sa panig ng pagsasanay. Sakaling makatanggap ako ng sapat na salapi sa Abril o Mayo, ay binabalak kong patala o magmatrikula upang mag-aral ng isang araling sadyang nakatakda sa optalmolohiya sa Leipsig, o sa Halle, o sa Berlin. Kung loloobin ng Diyos ay binabalak kong tumigil sa Alemanya hanggang sa Nobyembre lamang, pagkatapos ay tutungo ako sa Inglaterra5 sa Disyembre at titigil ako roon sa panahon ng tagsibol ng '87 upang muling bumalik sa Paris at magmatyag sa mga pagtistis ni Doktor de Wecker na, bilang maninistis, ay inaakala kong nakahihigit nang di sapalâ sa lahat ng ibang nakita ko hangga ngayon. Buhat doon ay uuwi ako sa Pilipinas at magbubukas ako ng isang mabuting klinika para sa sakit sa mata.

Hangga ngayon ay wala pa akong tinatanggap na anumang sulat na galing sa inyo. Ang kahuli-hulihang sulat na tinanggap ko ay buhat sa aking kapatid na lalaki6 noong mga unang araw ng Enero. Maaaring ipagpatuloy ninyo ang pagpapadala ng mga liham sa Paris, at ipadala ninyo ang mga iyon sa pamamagitan ng mga bapor pranses na tumutulak buhat diyan tuwing labinlimang araw.

Pinangakuan ako ng isang aleman, na isa sa mga araw na ito ay . . . .7
_____________________

5Tunay na isang humaling ni Rizal ang magtungo sa Inglatera, bagay na sa kasawiang palad ay hindi niya naisagawa nang mga araw na iyon, kundi matapos na siya'y makauwi sa Pilipinas nang taong 1888.

6 Tinutukoy ni Rizal ang sulat ng kanyang kapatid na lalaki buhat sa Kalamba, Laguna, noong ika-27 ng Nobyembre, 1885, na kanyang tinanggap nang mga unang araw ng Enero, 1886; gayunman, ang kanyang kapatid na si Lucia at ang asawa nitong ni Mariano Herbosa, at saka ang kanyang kapatid na si Narcisa ay nagsisulat sa kanya nang ika-2 at ika-27 ng Pebrero, mga sulat na marahil ay hindi pa natatanggap ni Rizal.

7 Ang sulat na ito'y putol din, walang katapusan at walang lagda.


—290—