Pumunta sa nilalaman

Pahina:Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896 (JRNCC, 1962).pdf/307

Mula Wikisource
Napatunayan na ang pahinang ito


sa aking ako'y bumalik sa piling niya, bagay na ipinangako kong gawin. Isa sa mga araw na ito, dahil sa pagdating ng isang makatang alemang minamahal nang gayon na lamang sa lungsod na ito, ang kastilyo'y tinanglawan ng mga pailaw. Huwag ninyong isiping ang mga ito'y katulad ng mga paputok diyan kung araw ng pista. Dito'y 15 o 16 na mga pailaw lamang ang sinusuhan; walang paputok; at sa pamamagitan ng liwanag na pulang tumanglaw sa loob ng mga guho, sa isang paraang ang liwanag lamang ang nakikita at ang liyab ay hindi, ay naging kabigha-bighani, maging dahil sa mga anyo ng anino, at maging sa tuwirang tama ng liwanag, ang mga pader, ang mga malalaking tore, ang mga lusutan, at iba pang nalalabing guho ng pagkasira. Kaakit-akit makita sa gitna ng gabi ang ilang guhong malalaki na pawang pula at itim; wala ni isang ningas o ilaw na nakikita, at ang kabuuan ay sabay-sabay na naliwanagan . . . Ang mga mag-aaral ay nangaglibot sa mga lansangan, may dalang mga sulong nagniningas dahil sa kaarawan ng Elektor; kung bakit ipinagdiriwang iyon ay hindi ko naunawaang mabuti sa maligoy na pagkakapaliwanag na kasasaysay pa lamang sa akin kaninang umaga ng utusang babae.

Noong nakaraang araw ng Linggo, ay dinalaw ko ang loob ng kastilyo; doo'y pinatnubayan ako ng isang babaing matanda, matangkad, tuwid ang tindig, pormal at may malungkot na tinig. Tila isang anino ng mga guhong iyon, o kaya'y isang mangkukulam na nakatira sa mga pook na iyong mapanglaw at walang tao. Ang lahat ng mga pader ay nabubuwag na, ang mga lilok ay may mga pingas, ang mga langitlangitan ay maraming bitak, at ang galamay-amo ay tumutubo sa lahat ng dako. Inuulit-ulit ng matandang babae sa tinig na malaki at nakahahambal, sabay ng pagtuturo sa iba't ibang pook: ito ang bulwagan ng mga pahe, dito sila nangaglalaro, iyon ang silid-hintayan, sa dako pa roon ay ang aklatan, sa tabi ng silid-gawaan na may malaking pausukan na hangga ngayo'y puno pa ng mga dibuho; iyon ang bulwagang tanggapan sa mga tao, ang bulwagan ng katarungan, ang malaking silid-kainan, ang bulwagan ng mga ingles na pinagdausan ng kasal ng ilang prinsipe ng Gran Bretanya, ang kusinaang pinaglitsunan ng isang buong baka; ang malaking apuyang ginamit para sa paglilitson, sa ilalim ng mataas at malaking pausukan, ay iniingatan pa. Ang bilangguan, ang toreng may walong gilid, at maraming iba pa. Kung minsan, ang dinaraana'y mga lusutang madidilim, makipot at mabababa;



—281—