Pumunta sa nilalaman

Pahina:Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896 (JRNCC, 1962).pdf/304

Mula Wikisource
Napatunayan na ang pahinang ito


pasiyal sa tabi ng mga gulo ng bantog na kastilyong9 natata- naw buhat sa aking durungawan. Iisa lamang ang dulaan, apat o limang templo ng mga katoliko at mga protestante at sinasabing ang isa sa mga ito'y ginagamit, ang kalahati ng mga katoliko, at ang kalahati nama'y ng mga protestante.

Ang pamumuhay aleman ay hindi nakababagot, lamang ay puno ng patatas. Para sa lahat ng bagay, patatas; patatas na sa umaga at patatas pa rin sa gabi. Kung gabi, ang hapunan ay tsa at patatas at malamig na lamang-kati. Ang karamihan sa mga babai'y nakauunawa ng pranses at nakapagsasalita nito nang utal-utal. Sila'y karaniwang matatangkad, malulusog, hindi gaanong mapulá ang buhok bagaman may sapat na pagkapulá. Sila'y totoong kaibig-ibig at napakatapat.

Ang mga batang aleman ay di gaanong mausisa gaya ng mga batang pranses. Sa Paris, halimbawa, ay may mangisangisang batang lalaking tumititig sa akin na taglay ang paguusisa dahil sa aking tikas; datapuwa't dito, ang mga bata'y dumaraan nang hindi ka man lamang pansinin; kung minsa'y hinahawakan ko ang kanilang ulo at ibinabaling ko nang bahagya; sumusunod sila at pagkatapos ay umaalis nang hindi nagsasalita kahit isang kataga.

Ang utusang babae sa inuman ng serbesa na pinaroroonan ko, na nagngangalang Mina, ay nakasusulat nang wasto sa kanyang wika at tama sa katitikan; lagi na naming kinakasangkapan ang pagsulat sa aming pag-uusap, sapagka't ang mga pandinig ko'y hindi pa sanav sa diin ng mga salita, kaya kinakailangan kong makitang nakasulat ang mga salita. Dalawang paraan ng pagsulat ng kanyang wika ang ginagamit niya, ayon sa sabi rin niya, sa lateinische at deutsche, alalaong baga'y sa mga titik na latin at aleman. Halimbawa Ynseln Philippinen - Ynfeln Pfiliyynen. Ang mga titik aleman ay siyang madalas niyang ginagamit.
_____________________

9 Ang kastilyong itong binabanggit ay isa sa mga lalong makasaysayan at lalong magandang guho sa Europa, na natatayo sa ibabaw ng isang taluktok na may 300 talampakan sa ibabaw ng lunsod. Unang-una itong itinayo nang Dantaóng XIII bilang isang kuta at pagkatapos ay ginamit na tahanan ng mga Prinsipeng Elektor ng Palatinado. Sa silong ng kastilyong ito naroroon ang napakalaking bariles na may 200 taón nang gulang, at naglalaman ng 50,000 galong alak, na anupa't sa ibabaw nito'y may isang tuntungan o palapag na buong luwag na napagsasayawan ng marami. Binabanggit din ni Rizal ang kastilyong ito at bariles sa ibang sulat niya.


—278—