Pumunta sa nilalaman

Pahina:Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896 (JRNCC, 1962).pdf/264

Mula Wikisource
Napatunayan na ang pahinang ito


mga misa de grasya at sapat na salapi upang ibili ng isang magarang palamuting inilalagay sa harap ng altar, na yari sa pilak at ng dalawang kampana; totoo ngang ang karamihan kalawa na lamang kumakain isang araw kung hindi man sila sapilitang nangingilin at lagi nang nahuhuli sa pagbibigay ng maliliit na ambag, datapuwa't huwag namang akalaing dahil sa bagay na ito, kami'y kulang palad sa lahat ng bagay, sa dahilang bagaman may paghihikahos sa isang panig, ay may labis namang ingay at ningning sa kabila, at iyon ay nababayaran nito.

Gumaganap na sa kani-kanilang tungkulin ang mga bagong Gubernadorsilyo; pinagtibay ang karamihan ng mga nangunguna sa hanay ng tigtatatlong taong iminungkahi, kakaunti sa mga nasa-pangalawa o pangatlo sa hanay, tatlo o apat na hindi kasama sa tatlong iminungkahi ang mga nagsitanggap ng tungkulin na parang ulan sa buwan ng Mayo, at sinasabi kong parang ulan sa buwan ng Mayo, sa dahilang pati mga taga-Kalamba (at hindi naman sila kakaunti) na noong unang panahon ay umiiwas sa tungkuling ito, ay naglulunggati at nagpapakapawis ngayon upang matamo ang tungkuling iyon; ang susi ng talinghagang ito marahil ay ang "palyas" o ang buwis na babayaran ng indiyo sa halip ng paglilingkod na sarili at sa dahilang tayo'y pumapasok sa landas ng mga pagbabago ay umaasa kaming ito'y mawawala.

Sinasabing sa loob ng napakadaling panahon ay maglalagay ng mga Hukom Pamayapa sa mga ulumbayan ng mga lalawigan at sa mga pangunahing bayan ng mga purok; nararapat ikagalak ito ng mga naninirahan sa mga bayang iyon, sa dahilang sa bisa ng pagbabagong ito'y mababawasan ang paglapit nila sa mga "opisyal de mesa"; samantala, kami'y magpa patuloy na gaya ng dati, sakaling hindi paabutin ang pagbabagong iyon sa mga bayang may kaunting halaga.

Salamat sa Diyos at ang mga magulang natin ay matitipuno't malalakas pa at sila'y umaasang lalawig pa ang buhay nila ng maraming taon at sakaling ninanais mong tumigil diyan nang apat o limang taon pa bago umuwi, malamang na sila'y makita mong mabubuti pang gaya nang iwan mo.

Ang iyong kapatid,
PACIANO RIZAL


—238—