Pumunta sa nilalaman

Pahina:Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896 (JRNCC, 1962).pdf/246

Mula Wikisource
Napatunayan na ang pahinang ito


man ang mga binatang ito'y lalo pang bata kaysa akin. Hindi ko tinutukoy ang mga binata sa bayang ito; sa mga ito'y nakikilala ko . . . . . . . . . . . . . . . . . talagang magaling at ito'y hindi sapagka't kapos sila sa kakayahan; hindi, matatalino sila, nagsisimpan ng malaking katibayan ng loob, datapuwa't ang mga kasamaan sa pagtuturo ay nagiging dahilan kung bakit sila'y nangangailangang lalong magpakapagal at maging kakaunti ang matutuhan, gaya rin ng nangyayari riyan sa atin; ang buhay na kanilang tinutunton ay ang mga restauran at mga bilyar; ang mga halimbawang namamalas nila sa mga matatanda at may matataas na katungkulan ay katamaran at walang kabuluhang usapan; ang bahagyang pampasiglang ibinibigay ng pamahalaan sa mga mag-aaral, gaya rin diyan, na ang tanging kaibhan ay hinahangad natin diyan na huwag manghimasok ang mga maykapangyarihan sa mga bagay na pinag-aaralan bagkus pabayaan sila't huwag gambalain; sa pagkakamalas na ang isang tao'y nakaaakyat sa kapangyarihan sa pamamagitan ng pagkamadaldal at mga pakana, sa pagkakaanib sa ganito o gayong lapian, ang lahat ng mga ito'y pawang nakatutulong sa pagkaunsiyami ng maraming napakamaligayang mga kakayahan; napakarami ang mga binatang walang pagsalang magtatagumpay sakaling maging iba ang mga kaparaanan. Ang lalong isinasakit ng loob ko ay marami tayong mga kababayan, na sapagka't nalason na ng ganitong kapaligiran, ay umaanib sa mga samahang tinututulan ng kanilang budhi; hinahanap nila ang kaluwalhatian kahit ito'y paggugulan ng salapi at pagkaaglahi, at hindi alang-alang sa sariling karapatan nila kundi sa pamamagitan ng mga piging at mga pakana; hindi nila iniisip na ang gayong uri ng kaluwalhatian ay isang ningas-kugon na walang ibang kinahihinatnan kundi abong nakarurungis at nawawalan ng kabuluhan pagkatapos.12 Sa dahilang ito, sakaling paririto ang mga pamangkin ko, ay hindi ko ninanais na sila'y pumarito sa Madrid, tangi na lamang kung mag-aaral sila ng batas, bagay na totoong kailangan at napapanahon pa, sapagka't ang pinakamagagaling na mga propesor ng batas na maaaring matagpuan sa Espanya ay naririto at sapagka't ito'y isang karerang ang wika nga'y isang pangunahing pangangailangan; inaakala kong ang Madrid ay siyang pinakamabuting paaralan para sa layuning ito, kung aalagatain ang tanging kakanyahan ng bayan sa lahat ng mga ginagawa niya.
_____________________

12 Sa pagbasa sa mahabang talatang ito'y hindi ba maipalalagay ng isang makakabasa na ang tinutukoy ni Rizal ay ang kasalukuyang nangyayari sa Pilipinas?


—220—