ng mga propesor ay kakampi ng mga nag-aaral, at gayon
na lamang ang kanilang pagkampi na inaaring sarili nila ang
aming adhikain. Pinalad akong hindi nakatanggap kahit na
isang hampas ng tungkod, hindi nadakip at hindi napiit sa
bilangguan, gayong sapagka't ako'y nag-aaral sa dalawang kolehiyo ng panggagamot at ng pilosopiya at letras, 25 ay kinailangan
kong dumalaw sa maraming kaibigan upang magtanong kung
ano ang nangyayari. Kapalaran man o hindi, ang nangyari'y
gayong may matatandang lalaki, babae, mga bata, mga kawal,
at mga dayuhang nasugatan, ay hindi man kinailangang ako'y
tumakbo.
Ito ang dahilan kung bakit sinabi kong ako'y nagkamali
sa pag-aaral sa Madrid; ngayo'y hindi na karangalang maituturing ninuman ang pagkakapag-aral sa nawalan ng dangal,
hinamak, inaglahi, inapi at siniphayong pusod na ito ng karunungan. Ang agham ay nararapat na maging malaya, at
gayon din naman ang propesor. Hindi ko kukunin ang katibayan ng pagkadoktor habang si Creus ang Rektor; 26 hindi ko
ibig na ang lumagda sa pinakamahalagang katibayan ko'y isang
taong kinamumuhian ng lahat, itiniwalag sa Surian ng Medisina at Pagtistis, dahil sa walang pagpapahalaga sa sarili, walang dangal bagaman siya'y marunong, napakarunong. Kapag
siya ang lumagda sa katibayan ay pupunitin ko iyon. Sakaling
siya'y manatili sa kapangyarihan, ay sapilitang hindi na ako
magpapatuloy sa pagdodoktor at sa pilosopiya at letras, sapagka't hindi na ako makatitigil sa Pamantasan. Sisikapin kong
makapagpadala sa inyo ng isang pahayagan. Ang mga Senador,
kinatawan, ang lahat ng mga nagtuturo sa Pamantasan, mga
mamamahayag, mga mangangalakal na dinakip at sinaktan ng
mga kagawad ng kaguluhan, ay magsisitutol. Walang nakaaalam kung paano magwawakas ang suliraning ito. May isang
Pilipinong pinagpalo at hinambalos ng isang sable. Walang
Pilipinong nasugatan, datapuwa't maraming mga Kubano at
Kastila . . .28
_____________________
25 Si Rizal ay nag-aaral noon sa mga Paaralan ng Medisina at ng "Filosofia y Letras".
26 Isang katotohanang hindi kinuha ni Rizal ang kanyang "diploma" ng pagka-Lisensyado nang 1884 ni ang titulong pagka-Doktor nang 1885. Ang kahilingan niya upang sa kanya'y ipagkaloob ang titulo ay pinetsahan sa Hinebra nang Hunyo, 1887.
27 Hindi namin malaman kung sino ang pilipinong binabanggit ni Rizal.
28 Ang sulat na ito'y hindi tapos kaya't dahil dito'y walang lagda; gayunma'y hindi mapag-aalinlanganang ito'y kay Rizal.