Pamantasan, sa dahilang kakaunti na lamang ang kinakailangan
kong gawin sa San Carlos, at kinakailangan kong iwan ang bahay na ito at kumuha ng iba sa Daang Pizarro, 13, ikalawa sa
dakong kanan. Hindi ko nga malaman kung ano ang gagawin.
Hindi ko inaakalang nawaglit ang sulat na iyon; sakaling nawala nga, ay nararapat damdamin nang gayon na lamang.
Pumarito ang isang binatang taga-Nagkarlan,³ na nagngangalang Pedro Tobino. Sang-ayon sa sinabi niya, siya raw ay
pumarito sa Europa upang maglibang, at ang dala niya'y 1150
piso. Sapagka't ang binatang ito'y hindi naman matalino, hindi
siya maunawaan halos kung magsalita ng Kastila, at hindi naman niya pinag-aralan iyon, at isa siya sa mga taong
lumalaki ang
ulo kapag may dalang isang tagubiling galing sa isang Kastila;
pinakinggan niyang lalo ang isang Kastila kaysa kanyang mga
kababayan, at siya'y tumira sa isang masamang daan sa Madrid,
nguni't sa kasamaang palad ay napag-alamang siya'y may salapi.
Pagkaraan ng isa o dalawang araw na pagkakatira sa daang iyon,
ay nilinlang siya't nilimas ang lahat ng kanyang salapi, lahat-lahat, na walang natira sa kanya kahit isang kuwalta. Dito'y
sinasabi nilang timar, sa halip na pagnanakaw, ang panlilinlang
sa walang muwang. Ang paraang ginamit nila kay Tobino
sa lalong karaniwan at magaspang. Nararapat na ang isang tao'y
maging... upang malinlang nang gayon. Naglalakad siyang kasunod ng isang taong naglaglag ng isang kalupi; isang bata ang
nagtangkang dumampot niyon, datapuwa't ipinasauli ni Tobino
sa may-ari. Sinabi nito, na nagpasalamat nang gayon na lamang,
na siya'y taga-ibang bayan at sakaling nakuha ang kalupi niya,
disin sana'y walang naiwan sa kanya kahit isang sentimos, at sa
katunaya'y ipinakita pa ang kalupi niyang puno ng mga papel de
bangko. Sila'y nagpatuloy sa pag-uusap. Sa ganito'y isang Ingles
ang lumapit sa kanila na nagsabing kung siya raw ay sasamahan
sa Konsulado, bawa't isa sa kanila'y bibigyan ng tiglilimang piso.
Sinagot ni Tobinong sasamahan niya sa konsulado, datapuwa't
hindi niya tatanggapin ang limang piso:-dalawang di-kilala ang
sasama sa isang Ingles! Samantalang sila'y naglalakad, inalok
ang Ingles ng di-kilalang Kastila na silang dalawa raw ni Tobino
ang siyang magtuturo sa Ingles ng mga dapat makita sa Madrid,
sapagka't silang dalawa ay lubos na nakakikilala sa lungsod na
ito. Upang huwag maghinala sa kanya ay ipinakita niya sa Ingles
ang kalupi niyang puno ng papel de bangko, at hiniling kay
_____________________
3 Ang Nagkarlang ay isang bayan sa lalawigan ng Laguna.