na kasiyahang pangmagkakapatid. Sinulatan din ako ng isang
kaibigan, at buong pusong ninanais niyang patnubayan ako ng
mabuting kapalaran sa panggagamot. Ipinamahagi ko ang
tatlong durong hiniram ko sa isa sa mga kaibigang ito sa mga
tagapagbantay sa San Carlos, na nagbibigay ng maligayang
bati sa lahat ng mga mag-aaral. Ito ang buong pagdiriwang
sa pinakadakilang pangyayari sa buhay kong mag-aaral, at gayong ang Hunyo'y siyang naging buwang lalong maraming
pangyayari para sa akin. Iisa-isahin kong sunud-sunod ang
mga pangyayaring ito: Noong ika-5 ng Hunyo ay nagsulit ako
sa Klinika Medika, ikalawang kurso, mabuti (bueno); noong
ika-6, sa Klinika Kirurhika, ikalawang kurso, mabuting-mabuti
(notable); noong ika-9 ay ginawa ko ang kahilingan para sa
grado; noong ika-11 ay nagsulit ako sa wikang Griyego, unang
kurso, ganap (sobresalyente); noong ika-13, sa Panitikang Griyego at Latino, ganap (sobresalyente); noong ika-17, sapagka't wala akong tinanggap sa koreo kahit anumang bagay, at sapagka't
kailangan kong magbayad ng takdang kabayaran para sa grado 4
ay isinanla ko ang sinsing; noong ika-19 (araw ng kapanganakan ko), ay ipinagbigay-alam sa akin ang mga pagsasanay
para sa paglilisensiyado; noong ika-20, ang unang pagsasanay;
noong ika-21, ang ikalawa at kahuli-hulihang pagsasanay para
sa paglilisensyado, katamtaman (aprobado); noong ika-25 ay
pinanalunan ko ang unang gantimpala sa wikang Griyego sa
Pamantasan; sa 200 nag-aaral ay isa ako sa apat na nagtamo
ng gantimpala; at kinagabihan ay bumigkas ako ng isang talumpating ibabalita ko sa inyo pagkatapos; noong ika-26, mga
pagsusulit sa Kasaysayan ng Daigdig, ikalawang kurso, ganap
(sobresalyente); kabuuan: 3 ganap; 1 gantimpala; 1 (mabuting-mabuti; 1 mabuti; at isang katamtaman para sa grado. Umaasa akong hindi ako masusumbatang nag-aksaya ng panahon,
at magiging karapat-dapat sa pagsasaalang-alang ng ilang tao,
gaya nang pagkakatamo ko ng pagpapahalaga ng mga tagaibang lupang naririto.
Gaya ng ibinalita ko na sa inyo, buhat pa noong buwan
ng Pebrero, ay pumasok ako sa isang klase ng pagbabalik-aral,
bumayad ako ng 6 na piso buwan-buwan, upang matutuhan
ko ang lalong makabagong kaisipan sa medisina na nagbuhat
sa mga Aleman; ang mga bungang-isip na natutuhan ko sa
Maynila ay mabubuti, totoo nga, nguni't ang mga iyon ay naaayon sa paaralang Pransés at halos lahat ng mga propesor dito
_____________________
4 Ang binabanggit na bayad ay hindi ang nauukol sa titulong ibibigay sa kanya, kundi ang sa pagkakapagsulit sa pangkatapusang pag-aaral.