Pumunta sa nilalaman

Pahina:Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896 (JRNCC, 1962).pdf/215

Mula Wikisource
Nabasa at naiwasto na ang pahinang ito


56 Buhat kay Rizal para sa kanyang
mga magulang at mga kapatid




Madrid,
Ika-28 ng Hunyo, 1884


MINAMAHAL KONG MGA MAGULANG AT MGA KAPATID:


Pagkatapos ng napakahabang panahong hindi ako nakasulat sa inyo dahil sa marami akong kinaaabalahan, ay sabik na sabik kong hinawakan ang panulat upang paabutin sa inyo ang ilang balita tungkol sa akin, mga balitang inaakala kong hindi ninyo wawaling bahala. Magdadalawang buwan na ngayong hindi ako nakasusulat sa inyo, at ang panahong ito'y tila napakatagal na para sa akin, anupa't madalas kong itanong sa sarili kung hindi isang pagkukulang sa tungkulin ang hindi pagliham sa inyo upang huwag lamang mapabayaan ang aking mga pag-aaral. Tangi sa rito, hindi ako naniniwalang kailanma'y aakalain ninyong nanlamig ang aking pag-ibig sa inyo. Kung sa mga dahilan, ay marami akong maibibigay; bukod sa rito'y nag iisa ako kaya wala akong mapakiusapang lumiham para sa akin, samantalang ako'y nag-aaral. Ngayong ako'y walang maraming ginagawa, ay inuulit kong malaking kasiyahan sa akin ang humawak ng panulat, bagaman ewan ko kung ang mga panimdim ko'y makagigising ng katugon sa iba.2 Sa wa kas, ay isang manggagamot na ako.3 Dalawa o tatlong kaibigan ang yumapos sa akin nang buong kagalakan, taglay ang tunay


1 Sa mga sulat ni Rizal na nakikilala namin, ang kahuli-hulihan ay ang may bilang 24 ng "Sandaang Sulat" na may petsa 21 ng Nobyembre, 1883, at di mapag-aalinlanganang hindi siyang tinutukoy ni Rizal, gaya ng mapapansin sa dakong huli ng sulat na ito.

2 Natapos na ang mga pagsusulit, at ngayo'y namamahinga na siya.

3 Nagtapos siya ng pagka-Lisensyado sa Medisina nang ika-21 ng Hunyo ng 1884 sa pamamagitan ng notang "aprobado" (katamtaman), nguni't ang titulo'y ibinigay lamang sa kanya nang buwan ng Hunyo, 1887 sapagka't noon lamang nabayaran ang nauukol sa pagbibigay noon, bukod sa dahilang sanhi sa pagkakapalit sa dating dekano ng isang bagong kinapopootan ng mga nag-aaral, ay hindi niya ibig na kunin ang kanyang titulo na ang lalagda ay ang bagong dekano.

—189—