Pumunta sa nilalaman

Pahina:Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896 (JRNCC, 1962).pdf/214

Mula Wikisource
Napatunayan na ang pahinang ito



Hapón. Walang matuwid upang ipagmakahiya ng kahit sino ang kanyang kapamayanan; ikinararangal natin ang pagiging indiyo, palibhasa ang mga ito'y dumaramdam at umiisip na gaya ng ibang mga tao. Gayunman, at sapagka't malayo tayo sa larangan ng mga pangyayari, ay hindi ko natatalos ang mga tunay na panganib na maaaring suungin ng makikilahok o makikisama; sapagka't ikaw ay nariyan ay maaari mong masukat ang magiging bunga ng gayong hakbang, at kung tunay na masusuong ka sa malubhang kapanganiban, ako ang una-unang tututol sapagka't hindi ko ibig na sa aking payo ay magdanas ng hirap ang maraming tao. Inaakala kong naunawaan mo na akong mabuti; kung minamabuti mo ang mungkahi kong ito ay padadalhan kita ng 200 piso, bukod pa sa iyong pensiyon, at higit pa kung matatamo mo ang isang katungkulan sa hukbo, ay lalong mabuti, gaya ng nasabi ko na sa itaas.

Dito'y may ilang bagay na nangyayari, na nakasisiya sa pagkamausisa ng isang tao, na higit sa pangangailangang malaman iyon; hindi ko sasabihin sa iyo, sapagka't kapos na ako sa panahon, at sa dahilang ako'y nagiging napakaliwanag sa pagsasaysay at ayokong malantad ang aking sarili; nararapat katakutan ang mga taong itong mapakialam at mapangarapin na nangakamamalas ng mga bagay na wala naman.

PACIANO




—188—