Pumunta sa nilalaman

Pahina:Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896 (JRNCC, 1962).pdf/206

Mula Wikisource
Napatunayan na ang pahinang ito



nagsilahok sa paligsahan at ng mga pahayagan; ang tungkulin ay ipinagkaloob bago pa gawin ang paligsahan. Ewan ko kung ano ang gagawin ng binatang ito.

Ang Prinsipeng magmamana ng korona ng Alemanya ay darating dito sa makalawa;3 malaking kabuluhan ang iniuukol sa pangyayaring ito, na maaaring magbunga ng pagkakampihang Kastila-Aleman o Aleman-Kastila.4 Sinasabing hindi maiiwasan ang digmaan ng Pransiya at Alemanya.5 Inaakala kong kami'y magiging saksi ng mga bagay at pangyayaring kagila-gilalas. Sa Hunyong darating, pagtatapos ng pag-aaral, ay inaasahan kong makatatapos ako ng panggagamot;6 kung ninanais ninyong ako'y kumuha ng katibayan ng pagkadoktor ay isulat ninyo sa akin; ito'y mangangahulugan ng isang taón pa at ilang daang duro bilang kabayaran sa paaralan.

Sa mga bagay-bagay na ipinadala ninyo sa akin, ay dumating na may mabuting kalagayan ang halayáng bayabas, ang dalawang boteng bagoong, at ang bote ng mangga ay katamtaman ang kalagayan. Ang sotanghon, miki, bihon ay mabubuti, at ang, iba ay nabasag o nasira.

Hindi masama ang aming kalagayan sa maliit na bahay na ito; wala kaming maidaraing liban sa tila ninanakaw ng mga utusan ang aming gas upang gamitin sa ilawan nila. Datapuwa't ito'y hindi maiiwasan. Nahuli ang pagpasok ng taglamig, datapuwa't sagana ang alipunga.

Malamang na tatanggapin ninyo ang sulat na ito kung matatapos na ang taón: kaya ngayon pa'y ninanais ko nang kayo'y magkaroon ng isang Bagong Taong lalong maligaya at manigo kaysa nakaraan; paabutin ninyo ito sa mga bayaw at iba pang kamag-anak. Sa mga araw na iyon ay umaasa akong tatanggap
_____________________

3 Ang tinutukoy na Prinsipeng Tagapagmana (Principe Heredero) ay dili iba kundi ang prinsipe Federico Guillermo ng Alemanya, na napasa Espanya upang gantihin ang pagdalaw na ginawa ng haring Alfonso sa matandang haring Guillermo ng Alemanya. Tinatanggap siya ng gaya ng nararapat sa Valencia, Barselona at Madrid. Sa huling siyudad na ito ay pinarangalan siya ng isang parada militar, mga piging, mga pagtanggap at sayawan sa Palasyo at sa Ayuntamiyento, mga parangal ng Sugong aleman, na dinaluhan ng hari na nakasuot ng Koronel ng mga "Hulano".

4 Walang naging hangga ang pagdalaw na ito, bagaman gayon na lamang ang mga naging bulung-bulungan, ni hindi rin nagkaroon ng "alianza" o pagtutulungang kastila-aleman.

5 Ang pagdalaw ng Prinsipeng Tagapagmana ng Alemanya ay nagpainit nang gayon na lamang sa mga pahayagang kastila hanggang sa umalingawngaw ang balitang maaaring magkaroon ng digmaan ang Pransya at Alemanya, lalo na nang itong huli'y makipagkasundo sa tinatawag na "triple alianza" ng Italya, Austriya at Alemanya.

6 Inaasahan ni Rizal na siya'y makapagtatapos ng pagka "Licenciado" sa Medisina nang Hunyo, 1884, gaya nga ng nangyari, bagaman hindi niya kinuha ang kanyang diploma.


—180—