Pumunta sa nilalaman

Pahina:Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896 (JRNCC, 1962).pdf/198

Mula Wikisource
Napatunayan na ang pahinang ito



kanyang kalooban ay bubuti sa malalayong pook. Gayunman, hindi ko inaakalang nararapat siyang mag-aral sa Madrid. Sakaling ninanais ng ama niya na si Tasio'y mag-aral ng isang karerang naiibigan niya, inaakala kong wala nang bubuti sa Inglatera upang ang anak niya'y maging isang taong kapakipakinabang at pormal. Ang Inglatera ay may katangiang ganap na agpang sa paraan ng pag-iisip ni Kapitang Juan.

Ewan ko kung ano ang nangyari kay Dandoy;9 ngayong ang pinakamalaking salabid na humahadlang sa kanya noong una, sa kasawiang palad ay wala na; 10 sakaling binabalak niyang pumarito upang mag-aral ng musika ay maaaring samantalahin niya ang pagkakataong ito upang tumungo sa Italya, isang bansang napakamura ang pamumuhay, o sa Alemanya, at dito'y maaari ring mabuhay sa kaunting gugol, upang malinang at mapagiging ganap ang sarili sa mga sining, bagay na pinagpapakilalanan niya ng malaking kakayahan. Si Luna11 ay nasa- Roma ngayon, isa na siyang dakilang pintor, at kumikita_ng ikabubuhay. Kaya hindi ako nawawalan ng pag-asang makita si Dandoy sa mga dakong ito, na nagsasalita nang magaralgal na wikang Italyano o pautal-utal na wikang Aleman.12

Maraming Pilipino rito: may mga mangangalakal, naglalakbay, turista, kawani, kawal, mag-aaral, makasining, manananggol, manggagamot, nag-aahente, utusan, kutsero, mga babae, mga bata, at mga matatanda; hindi ko mataya ang kahihinatnan nito pagkaraan ng sampung taon. Angkop nang gayon na lamang na tayo'y huwag mahuli. Bagaman hindi lahat ng itinatanim ay aanihin, gayunman, naniniwala akong ang aanihin ay hihigit sa binhing ipinunla. Umaasa kaming ang ilang kababayan ay paririto upang mag-aral ng mga industriya, gaya ng paggawa ng papel, bubog, porselana, kayo at ibang industriyang pakikinabangan nang gayon na lamang diyan. Ang karamihan ng mga Hapóng nasa Paris ay nag-aaral ng artilyeriya at ng pag-iinhinyero, habang kami naman, ay nag-aaral ng batas at panggagamot; bakit hindi tayo mag-aral ng mga sining at
________________

9 Ang binabanggit na Dandoy ay si Leandro Lopez, kapatid ng kanyang bayaw na si Antonino Lopez. Yao'y binata at noo'y nag-aaral sa Maynila.

10 Ang tinutukoy ni Rizal na "salabid na sa kasamaang-palad ay nawala na" ay tumutukoy sa pagkamatay ni P. Leoncio Lopez, na noong nabubuhay ay tumututol na pasamahin si Leandro kay Rizal sa Europa upang magpatuloy doon ng pag-aaral, gaya ng talagang ninanais niyon. Si Leandro ay lubhang mahilig sa músika, at nang panahong nasabi'y nakatutugtog na nang buong husay ng biyolin.

11 Tinutukoy ang pintor na si Juan Luna.

12 Ang wika ni Rizal na "magaralgal na italyano at pautal-utal na aleman", ay tumutukoy sa hawig ng pagsasalita ng italyano't aleman.


—172—