Dinamdam ko nang gayon na lamang ang pagkamatay
ng Pari Kura,7 hindi dahil sa siya'y isang kaibigan, kundi dahil
sa siya'y isang mabuting kura, bagay na bihirang-bihira, gaya
ng iyong namamalas, yao'y isang rara avis (isang ibong bihira).
Sumusulak ang aking dugo tuwing mababasa ko ang iyong
sinabi tungkol kay Pari Villafranca,8 gayunma'y nasisiyahan
din ako sapagka't pinatotohanan niya't binibigyang-matuwid ang
lahat ng pag-agap ko laban sa kanya; kung hindi gayon ang
aking ginawa, marahil ay mapipilitan akong umaming ako'y
nagkamali. Kahit na isang paring Budista o isang Brahman ay
hindi makagagawa ng higit pa sa roon; kung silang mga pari,
mga banal na kinatawan ng Diyos na pumipilit sa ibang ipaalam sa kanila ang mga lihim at umiiwas sa alingasngas; na
nagbibitiw ng magaganda't matataas na pangungusap; sila, na
ipinalalagay na mga tapat gaya ng mga kalapati at mahinahong
gaya ng mga ahas, sila na nagsasalita tungkol sa paggalang sa
mga matatanda at pagpipitagan sa libingan, sila, na lagi nang
nagsasalita tungkol sa pag-aayuno, sa pananalangin at sa misa,
na pinamumutawi sa kanilang mga labi ang Diyos, samantalang
nagnanakaw sa dukha kahit isang sikapat upang magpayaman,
ay nagbabalang magbunyag ng mga kasalanang nagawa noong
kabinataan upang hamakin ang maningning na gunita ng isang
matandang marunong, na ang mga kamalian ay kaipala'y tinangisan na niya at hindi naging lalong mapagkunwari kaysa
mga nangangahas humatol sa kanya. Datapuwa't hindi maaaring mag-antay ng ibang bagay sa isang kabig ng mga prayle,
at ang bagay na iyo'y nagpapakilalang ako'y naging makakatarungan sa aking mga pala-palagay. Kung nagkataong ako'y
naririyan, ay hinamon ko sana siyang ibunyag ang mga kakulangan ng nasirang kura, at titingnan ko kung hindi siya
ang uwang na umuubos ng panahon sa paghalukay ng mga
dumi at kasalaulaan. Titingnan ko kung sino ang manga
ngahas dumampot ng kauna-unahang batong ipupukol sa yumaong Pari Leoncio at natitiyak kong buhat sa Arsobispo9 hanggang kay Pari Ambrosio ay walang makapangangahas na gumawa niyon. Ah! ang mga taong walang maiabuloy sa karunu-
_________________
7 Ang salitang Pari Kura ay tumutukoy kay Pari Leoncio Lopez, kura sa Kalamba nang panahong iyon.
8 Ang binabanggit na Pari Villafranca ay dili iba kundi si Pari Ambrosio Villafranca, kura sa Binyang, na nang ipadala sa Kalamba ng arsobispo ay nanghimasok sa mga bagay na hindi niya nararapat pakialaman upang gambalain lamang ang mga kaanak ni Rizal.
9 Nang panahong iyon, ang arsobispo ay si P. Pedro Payo, na isang dominiko.