Pumunta sa nilalaman

Pahina:Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896 (JRNCC, 1962).pdf/176

Mula Wikisource
Napatunayan na ang pahinang ito



lang kapahi-pahinga.14 Iyo'y punung-puno ng mga tagaibanglupa. Ang Louvre, iyong matandang palasyo ni Francisco I,15 na pinaganda ng mga haring sumunod sa kanya, hindi nagiba ng maraming dantaon, digmaan, at panghihimagsik, tanghalan ng mga dula't hiwaga ng mga Valois, Medicis, at Borbon,16 ay ang gusaling marahil ay siyang pinakamahalaga sa Paris. Nakatayo sa dalampasigan ng Sena; ang anyong panlabas ay mabagsik, mapanglaw, at maharlika, bagaman maraming estatwa, mga larawang nakaungos at iba pang mga palamuti, na nakikintalan ng tatak ng iba't ibang mga liping manggagapi. Isang bahagi nito'y sinilaban ng Comune.17 Ito'y napakalaki at kasinghaba marahil ng agwat buhat sa bantayang malapit kay Kapitang Dandoy hanggang sa kay Kapitang Basio, 18 o higit pa. Ang mga patyo ay napakaluluwang at maaaring pagpasyalan ng dalawampung taong nakakabayo at nagpapatakbo nang buong tulin. Maraming-marami ang mga pinto. Sa panonood ko niyo'y nagugunita ko ang napakaraming mga kasaysayan, napakaraming mga pangyayari, napakaraming mga kasalanan na naganap doon gaya rin naman ng napakaraming kaluwalhatian,
_____________________

14 Ang panahong ginugol ni Rizal sa pagdalaw sa iba't ibang museong nasa-loob ng Louvre, bagaman sinasabi niyang "madali" o "mabilis" ay nagpapakilala ng kanyang hangad na matuto, lalong maliwanagan ang isip at magkaroon ng lubos na kalinangan.

15 Si Francisco I (1494-1547) ay naging Hari ng Pransya, siyang umusig sa mga gumagawa o umiisip ng hari sa Pransya na nangaghari buhat nang 1328 hanggang 1589 at nagsapul kay Felipe VI hanggang kay Luis de Orleans o Luis XII.

16 Sina Valois, Medicis at Borbon ay mga angkang hari na kilala sa kasaysayan. Si Valois, ay angkan ng hari sa Pransya na nangaghari buhat nang 1328 hanggang 1589 at nagsapul kay Felipe VI hanggang kay Luis de Orleans o Luis XII.

Ang Medicis ay angkang taga-Florencia ng Italya na yumaman sa pangagalakal at naging "dictador" halos sa kanyang bayan, sa loob ng mga dantaong XIV at XV. Maipalalagay na si Juan de Medicis (1360-1429) ang siyang nagtatag, at kabilang sa kanyang mga naging angkan ang maraming papa at mga kardenal at ang dakilang Lorenzo de Medicis na pinalalayawang "El Magnifico", tagatangkilik ng mga sining at mga artista. Isa sa mga apo nitong huli ay si Catalina, na naging reyna ng Pransya.

Ang mga Borbon ay isang angkang itinatag ni Luis I, duke ng Borbon, na siyang pinagmulan ng mga haring nagsibuo ng angkang pranses buhat nang 1589 hanggang 1792 at buhat nang 1814 hanggang 1848 at nagsipaghari sa Espanya buhat ng dantaong XVIII hanggang bahagi ng dantaong XX; at sa Nápoles at sa Parma ng mga dantaong XVIII at XIX.

17 Ang tinutukoy ni Rizal na La Comune ay ang Comune sa París at hindi ang iba't ibang kapisanang pambayang nagtataglay ng pangalang ito. Ang Comuneng ito ay ang itinatag sa París nang ang siyudad na nasabi, dahil sa pagbabanta ng hukbong prusyano noong 1871, ay magtatag ng isang lupong sosyalistang republikano na siyang humikayat sa mga taong-bayan upang maghimagsik at umagaw sa siyudad, nang Marso ng taon ding iyon at ipinahayag ang Comune sa París.

18 Tinutukoy dito ang mga pook na kinahihimpilan ng mga tanod sa tinatawag na bantayan. Hindi namin makilala kung sino ang tinutukoy na Kapitan Dandoy sa Kalamba, nguni't tungkol kay Kapitan Basio, ay di sasalang tinutukoy si G. Gervasio Alviar (anak) na naging Kapitan Munisipal nang taong 1883.


—150—