Pumunta sa nilalaman

Pahina:Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896 (JRNCC, 1962).pdf/169

Mula Wikisource
Napatunayan na ang pahinang ito



wan ng diyus-diyusang ito sa langit-langitan: ang hindi pa nakakikita sa galeriyang ito'y hindi makahahaka kung ano ang nararapat tawaging isang palasyo. Masagana ang palamuti, ang pagkakakulay ng ginto, ang mga pintura, eskultura, at ang mga batong mahahalaga ay nag-aagawan sa pagmamatyag ng nalilitong dalaw. Hindi ko mailalarawan iyon sa inyo.

May isang bulwagang pinagtatanghalan ng mga hiyas ng mga hari at mga reyna gaya ng mga setro, korona, sinsing, panliig, at iba pa. Isa pang bulwagang punô ng mga dibuho ng mga dakilang pintor, na ang ginamit ay lapis, tinta at kulay na hinahaluan ng tubig. May ibang mga bulwagang punò ng mga saro at bangang Griyego, Romano, Etrusko, na kinuha sa Pompeya at iba pang mga pook na hinukay. Ang mga ito'y napakarami na sapat nang pumuno sa buong lalawigan ng Laguna.

Sa ikatlong palapag ay may mga pintura rin, ang Museo ng Hukbong-Dagat, ang sa Tsina, at ang kay Lesseps.

Inaakala kong upang mapag-aralang mabuti ang Museong ito ay hindi sasapat ang isang taón na pumaparoon araw-araw; sa paraang ginagawa ko na pahapyaw lamang ay sapat na ang tatlo o apat na araw. Bukás sa madla, liban kung Lunes, at walang bayad ang pagpasok.

Doo'y namalas ko ang bulwagan at silid na kinamatayan ni Enrique IV.26 Malamang na nilibot din ni Catalina de Medicis ang mga pook na iyong nilibot namin.

Sa wakas ay namalas ko ang Otel ng mga Salanta 28 na kinaroroonan ng mga sumusunod:
___________________

26 Si Enrique IV ng Navarra (1553-1610) ay siyang unang hari ng ang- kan ng mga Borbon na naghari sa Pransya buhat nang 1589 hanggang 1610.

27 Si Catalina de Medicis (1519-1589) ay asawa ni Enrique II ng Pransya.

28 Ang Hotel de los Invalidos (Otel ng mga Salanta) ay kilala noong una sa pamagat na Kuwartel ng mga Salanta. Sinimulang ipagawa nang 1671 at natapos nang 1674 ni Luis XIV, pagkatapos ay muling binuo at inayos nang panahon ni Napoleon I at Napoleon III. Iginuhit ang Otel na ito ng arkitektong Liberal na si Bruant, at maglululan ng 7,000 tao. Sa papasukan at sa

kahabaan ng mga salanta ay may isang katipunan ng mga kanyon at mga "obus" na naagaw sa mga kaaway sa iba't ibang labanan, at sa balkon sa harapan ng gusali ay may isang balantok na inaalalayan ng mga haliging "jonico" na kinamamasdan ng maraming kasangkapan sa digma; at, sa malapiţ ay may isang estatwang pinumbok ni Luis XIX na nakakabayo, at naliligid ng Katarungan at Kabaitan. Kara-karakang makapasok ay mamamalas ang limang patyo, na sa kalagitnaan ng mga ito'y mamamalas ang estatwa ni Napoleon.

—143—