Pumunta sa nilalaman

Pahina:Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896 (JRNCC, 1962).pdf/164

Mula Wikisource
Napatunayan na ang pahinang ito



nakaisip magtanong sa akin kung ano ang kahulugan niyong mga titik na nasa-ibaba ng mga kuwadro, at ako'y totoong nagipit, sapagka't baka sa maraming nanonood ay may isang nakaaalam ng mga titik Hapón, ay maaaring mahuli ako't matutop sa gawang pagbubulaan; sa gayo'y sinabi kong sa dahilang binalak ng Mikado na itulad sa Europa ang Hapón, ay ipinadala kami noong kami'y batang-bata pa sa Europa at kami'y pinalaking parang mga Europeo, bagay na kung idaragdag sa kahirapan ng katitikang Hapón, na di kasindali ng sa Europa, ay hindi namin nilinang ang mga wika ng bayang tinubuan. Sa Europa o sa lalong tumpak na sabi, sa Pransya, ang lahat ng nagtataglay ng tindig natin at nakasuot ng gaya ng mga Hapón, ay mga Hapón (mga Insik sa Espanya), gaya rin diyan ay ipinalalagay na Kastila ang lahat ng may balbas. Sa pagtatanghal na ito'y nakakita rin ako ng napakaririkit na mga kuwadro at mga eskultura ng mga pintor na Europeo, ng mga mahahalagang bató, mga bagay sa una, mga kasangkapang ginamit sa iba't ibang panahon, mga sandata, mga aklat na indiyo, musulman, ebreo, mga lalagyang porselana at maraming iba pa. Doo'y tumagal ako nang may tatlong oras gayong madalian pa ang pagkakapanood ko. Kinamanghaan kong lalo ang larawan ng isang diwatang natutulog sa liwanag ng buwan at naliligid ng mga ulap at panganorin.8

Ang Otel Dieu9 ay isang malaking Pagamutang may tatlong palapag, ang pagkakayari ay magara at malinis, may mga liwasan at mga halamanan, at nasa-pulô ng Cite sa Sena. May limang pulutong ng mga gusali sa bawa't dulo. Kami'y pinagkamalang mga kawani ng Embahada (at hindi naman namin sinabi ito), at ipinakita sa amin ang lahat ng naroroon pati ng mga lutuan; ang paglilingkod dito ay ginagawa sa pamamagitan ng maliliit na trambiya. Malinis na malinis, at kung hindi nagkakamali sa pagamutan ay may 300 maysakit na maginhawa ang kalagayan. Sa loob ay mapapansin ang malaking katahimikan at kasinupan. Iyo'y tunay na isang ampunan para sa mga maysakit. May mga maluluwang lagusan upang mapagpasiyahan ng mga nagpapalakas.
_________________

8 Sa huling talataang ito, gayondin sa ilang bahagi ng mga sulat niya, ay namamalas ang pag-aangkin ni Rizal ng kaluluwang makata at artista.

9 Ang Otel Dieu ay isa sa mga ospital na marahil ay pinaka-matanda sa buong Europa, nakatayo sa Liwasan ng patyo ng "Notre Dame" at itinatag nang taong 660, na noong una'y bilang isang monasteryo; pagkatapos ay naging isang ospital na may 834 hihigan para sa mga may karamdamang iba't ibang sakit, sa mga kailangang tistisin at sa mga nanganganak; may dalawang klase ng "clinica medica" at dalawa rin sa pagtistis. Dito nagsisipagsanay ang mga nag-aaral ng medisina. Nang panahong dalawin iyon ni Rizal ay nagkaroon na ng kaunting kabaguhan.


—138—