kaling buhat ngayo'y magkaroon ako ng hangad na makatalos
ng mga bagay na labas sa mga gawain ng Simbahan, pagkakahuli sa mga manunugal o walang katibayan sa pagka-tao;
pagbababag ng mga insik o iba pang kawangki nito, ay ikaw
ang susulatan ko upang ikaw ang makapagbalita sa akin. Masamang tubig ang naiinom sa Maynila; ang mabuting tubig ay natatago sa mga tangke.
Sang-ayon sa palagay ng marami, ang bayang lalong nag papasan ng maraming buwis ay ang Pilipinas, maging sa butaw, na may katangiang lalo pang pagpapabuwis sa bawa't ulo kaysa pagbibili ng karapatang makapaningil ng buwis, gayundin sa pamamaraang ginagawa sa paniningil sa mga lalawigan, na sa ilang pangyayari'y nagiging ibayong halaga sa isang mamumuwisan dahil sa gugol sa paglalakbay at sa panahong sinasayang sa gayong paglalakbay. Kung ang paniningil ng buwis ay ipagkakatiwala sa gobernadorsilyo o sa nagbibigay ng mga papel na may timbre, mga taong karapat-dapat pagkatiwalaan, ay mababawasan nang malaki nang bigat ng pasaning ito. Sa pamamagitan ng kaunting pagtitiwala at kaunti ring pagkaawa sa mga mamumuwisan ay makapagtitipid ng mga gugol at panahong ginagamit nang walang kapararakan.
Si Anastacio ay pinaalis sa Kolehiyo; kinausap ako ng kanyang ama upang samahan siya sa paglakad; pumayag ako bagaman walang pag-asang matamo ang ipakikiusap, katulad nga ng nangyari. May nagsabi sa aking si Del Rosario ay lubhang mahal sa mga pare. Naparoon ako sa kanyang bahay at sinabi ko sa kanyang ipinagbilin mo sa akin na sakaling may mangyaring anuman kay Tasyo, na nasa-ilalim ng iyong pagkakalinga noong araw, ay dumulog ako sa kanya; natuwa naman siya at nangakong gagawin niya ang buong mangagawa upang si Tasyo'y mabalik sa kolehiyo. Ipinagbilin niya sa aking ipahayag ko sa sulat ko sa iyo ang kanyang matapat na pakikipagkilala at ang nais na ikaw ay kanyang mapaglingkuran.
Si Kapitan Juan ay ikinasal kay Damasa. Ito ang sinasabi ko sa iyo sa aking sulat na noong dalaga pa ay kinulong nina Banatin at Buenaventura.
- PACIANO RIZAL.