Pumunta sa nilalaman

Pahina:Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896 (JRNCC, 1962).pdf/149

Mula Wikisource
Napatunayan na ang pahinang ito


lahat ng nakakilala sa kanya, lalo na ng kanyang angkan; at gayon na lamang ang pagdaramdam na ito na, nang matalos ng Ayuntamiyento ang kanyang pagkamatay ay dali-daling naghandog ng isang nito sa libingan ng mga mahal na tao sa Maynila, isang pagtatanging bihirang-bihirang gawin ng nasabing korporasyon sa kaninuman. Sa kawalan ng naghahawak ng tungkol sa Simbahan dahil sa paglagi sa Maynila ng Kura, ay ipinasiya ng Bikariyo ng purok na tayo'y bigyan ng isang pansamantalang kura, na dili iba't ang koadhutor sa Binyang, na, pabulong na sasabihin ko sa iyong ni hindi man lamang anino ng namatay na Kura, sapagka't ikalawang araw pa lamang ng pagkakatira sa kumbento ay walang puno't dulong nagsimula na ng pagtuligsa sa mga tagarito sa kabila ng malabis na pagpuri sa mga taga-Binyang; na nakaaalam na lalo ng mga bagaybagay sa bayan kaysa mga bagay-bagay ng Simbahan, kaya't umalis dito, pagkatapos gawan ng mga kabulastugan ang mga aklat ng simbahan; dito'y humalili si P. Domingo (na kilala na natin) sa loob ng ilang linggo, at ngayo'y mayroon tayong isang "economo" na inihalal ng Arsobispo, isang taong karapat-dapat itagubilin sa dahilang nag-aangkin ng mga katangian ni P. Leoncio, na dili iba't ang di pakikialam sa mga bagay na walang kinalaman sa Simbahan. Nang matalos ang pagkamatay nitong huli, ay kara-karakang naparito ang Bikariyong si Prayle Villafranca upang kunin ang mga naiipong salapi ng Simbahan, na natatala sa mga aklat, nguni't sa dahilang nataunang ang kahang lalagyan ng salapi ay nakapinid at ang susi ay nasa-Maynila, ay iniutos sa bisa ng susi ni San Pedro, na paharapin sa kanya sa bahay-Hacienda ang ating ama, at doon ay pinilit siyang magpaluwal sa halagang nakatago sa kaha, at sa gayong pagpilit ay kinasangkapan ang pananakot na ipagbibigay-alam sa Arsobispo ang mga lihim ng namatay, na ikararamay, sa papaano mang paraan, ng isa nating kamaganak; dahil dito, ang ating ama'y napilitang magpaluwal ng kanyang salaping ginto na papalitan pagkatapos sa atin ng salaping pilak pagkaraan ng tatlong linggo. Iyang takutin ang isang matanda at hukayin ang mga lihim, na marahil ay siya ang nagtataglay, ay isang kaasalang tunay na tunay na kamuhi-muhi at kahalay-halay. Nang mangyari ito'y wala pa naman ako sa ating bahay.

Kung paanong nagkaroon ng pagpapalit ng tauhan sa Simbahan, ay nagkaroon din ng pagpapalit ng tauhan sa kuwartel. Ang tanging kaibhan ay hindi nagkaroon sa pagpapalit ng tao

sa kuwartel ng maraming kasaysayang gaya ng sa simbahan,

—123—