hin at pag-uuwi-uwing maaaring may katuwiran sa ngayon;
sa ganang akin, ay inaakala kong maaari kang paroon pagkatapos ng iyong karera sa pagmemediko, sapagka't matapos na
gumawa ng isang hakbang ay hindi nararapat umurong sa
harap ng mga kadahilanang walang gaanong halaga. Ang isipan mong ito ngayon ay siya ring isipan ko sa mula't mula
pa, at gayundin ngayon, ang isipang iya'y ipinahayag ko sa
iyo pagkatapos na makakuha ako ng mga balitang kinakailangan;
nguni't nagpilit kang pasa-Barselona, kaya't ako'y nagwalangkibo na sa pag-aakalang maaaring may katuwiran ka sa gayon,
datapuwa't ngayo'y nakikilala nating tayo'y nagkamali sapagka't
hindi natin naisaalang-alang ang kawalan ng paggiliw at ang
pagkakaiba ng kaugalian. Kaya't kung sa pagkatanggap mo
ng sulat na ito'y patuloy ka pa rin sa layuning iyan, ay sagutin mo ako pagbabalik ng koreo kung kailan matatapos ang iyong
karera sa pagmemediko upang maibigay sa iyo ang iyong kinakailangan; at balitaan mo rin ako kung paano nabubuhay sa
Paris ang mga nagsisitanggap ng pensiyong kaparis ng tinatanggap mo, kung lalong mabuti, katulad o masama kaysa Madrid: sapagka't diya'y lalong makakapagtamo ng lalong mabuting
balita kaysa rito.
Kinuha ko sa Maynila ang lima mong larawang kuha sa potograpiya, at ibinigay sa bawa't isang kinauukulan; ang larawan mo sa langis ay iniwan ko roon, upang sila na ang magdala sa araw ng pista rito. Tungkol sa larawang ito: nang una'y hindi ko nakilala agad, kaya naman ni hindi ko pinansin; nguni't sa dahilang naging isang bagong palamuti sa bahay ni tiyo Antonio ay nilapitan kong parang isang pag-uusisa, at nakita ko ang lagda ng maygawa. Sa gayo'y ipinalagay kong iyon nga ang larawan mong ibinabalita sa iyong sulat, at saka pinatunayan nila sa aking sa malayu-layong tanaw ay makikilala ang pagkakahawig sa iyo; hindi ko gaanong napagsiyang mabuti sanhi sa ako'y nagmamadali, gayunma'y pinahahalagahan ko dahil sa lagda ng maygawa at sa makasining na pagkakaguhit na nakukubli pa sa mata ng isang walang muwang sa sining.
Sa loob ng tatlo o apat na buwang hindi ko pagkakasulat sa iyo, ay maraming bagay na mahahalaga ang nangyari sa ating bayan, mga bagay na pinananabikan mong matalos, gaya ng sinasabi mo sa iyong huling sulat na tinanggap namin kahapon. Magsisimula ako sa pagbabalita sa iyo ng pagkamatay sa Maynila ng ating Kura, na dinamdam nang gayon na lamang ng