Pumunta sa nilalaman

Pahina:Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896 (JRNCC, 1962).pdf/136

Mula Wikisource
Napatunayan na ang pahinang ito


42. Buhat kay Rizal para sa kanyang
kapatid na si Paciano




Madrid,
Ika-13 ng Pebrero, 1883

GINOONG PACIANO MERCADO:


Tinanggap ko kamakatlo ang sulat mo1 ng ika-20 ng Disyembre, isang araw pagkatapos na tanggapin ko ang liham ni Tiyo Antonio2 na umalis diyan nang araw rin ng sakuna ng Lipa.3 Ang takot at panimdiming pinukaw sa amin ng balita ay napakarahas at binubuku-buko namin ang libong pala-palagay; datapuwa't pinatahimik ako nang bahagya ng iyong sulat sapagka't nang sinulat iyon ay ika-20 ng Disyembre at doo'y wala kang binabanggit na pagluwas sa Maynila ng sinuman sa ating kaanak, bukod sa noon ay ika-2 ng Enero, kaya't maraming mga mag-aanak ang hindi magsisialis ng bahay. Kung ako'y nariyan, maaaring nangyari marahil, na, sapagka't ako ang pinaghabilinan kay Tasio4 ay samahan ko ito sa Maynila at umuwi agad upang magtamasa ng ilang araw pa sa bahay; ang gayon sana'y nagkahalaga sa akin ng napakamahal. Kapag iniisip ko ito ay nakaaalaala ako ng maraming pangyayari sa buhay ko, nakapagpapaniwala sa aking may isang Diyos na tumatanod sa akin. Gayunman, itong nauukol kay Tasio hindi nararapat makaligalig sa akin dahil kay Kapitang Juan,5 sapagka't may kaugaliang tumigil nang ilang araw sa Maynila upang mamili,


1 Ang sulat ng kanyang kapatid na binabanggit dito ay ang may blg. 31 ng Mga Sulat niya sa kanyang mga kaanak, at may petsa 29 ng Disyembre, 1882.

2 Ang binabanggit na sulat ng kanyang amaing si G. Antonio Rivera ay wala sa katipunan ng mga sulat.

3 Tumutukoy sa pagputok at pagsabog ng bapor "Lipa" na nagyayao't dito sa Maynila at mga bayan ng Laguna, na nangyari noong ika-2 ng Enero, 1883, sa Ilog Pasig, sa malapit sa Pulo ng San Gabriel o Pulo ng "Convalescencia" na nasa-tabi ng Tulay ng Ayala.

4 Tasio o Anastacio, anak ni Kapitan Juan Banatin ng Kalamba, Laguna.

5 Tinutukoy si Kapitan Juan Banatin.

—110—