Pumunta sa nilalaman

Pahina:Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896 (JRNCC, 1962).pdf/124

Mula Wikisource
Napatunayan na ang pahinang ito


38. Buhat kay Rizal para sa kanyang
mga magulang at mga kapatid




Madrid,
Ika-29 ng Enero, 1883


MINAMAHAL KONG MGA MAGULANG AT MGA KAPATID:

Nakayari na ako ng apat na sulat na mahaba1 at bagaman ako'y pagod na, ay napakalaki ang aking lugod at kasiyahan sa pagsulat sa inyo na nararamdaman kong tila gumagaan ang panulat at nagiging sariwa't masigla ang kaisipan ko.

Nagtatamasa kami ng isang panahong kasiya-siya nang gayon na lamang; ang langit ay walang ulap at bughaw, halos katulad ng langit sa Pilipinas; ang buwan ay maliwanag, hindi gaanong malamig, at ang singaw ng panahon ay totoong kawiliwili na ako'y nagpasiyal tuloy ang walang balabal, at acuerpo gaya ng sinasabi nila rito. Mabuti ang pangangatawan ko, at sinasabing ako raw ay tumataba, wala akong sakit liban sa isang magaang sipon. Aywan ko kung ako'y lumalaki, datapuwa't ang mukha ko'y dapat na nagbago nang bahagya.

Sinabi ni Felix2 na dumating kagabi buhat sa Rendondila (Galisya), at dito'y gumuhit siya ng maraming larawan, na gagawin daw niya ang aking larawan; ipadadala ko iyon sa inyo, sakaling magkatotoo. Siya'y hindi nagbabago sa anyo, sa taba, at sa lahat ng bagay, sa kalahat-lahatang bagay.
____________

1 Marahil ay tumutukoy sa mga sulat na nauukol para kay Leandro Lopez, na may petsa 30 ng Disyembre, 1882, ang isa'y kay Paciano, ang isa pa'y sa kanyang kapatid na si Saturnina, ang isa pa rin ay sa kanyang bayaw na si M. T. Hidalgo na pawang may petsa ring 30 ng Disyembre, 1882 at ang huli'y para sa kanyang mga magulang at mga kapatid na may petsa 17 ng Enero, 1883.

2 Ang tinutukoy na Felix ay si Felix Resurrecion Hidalgo. Ang larawang guhit sa óleo na ginawa nang 1883 ay naiingatan pa rin hangga ngayon, at natatago sa bulwagan ng mga bagay-bagay na ukol kay Rizal sa naging Muog ni Santiago. Ang nasabing larawan ay ipinadala sa Pilipinas ni Resurreccion Hidalgo at tinanggap ni G. Antonio Rivera. Sa bahay nito natagpuan ni Paciano, na siyang nag-uwi sa Kalamba.

—98—