Pumunta sa nilalaman

Pahina:Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga kasambahay, 1876-1896 (JRNCC, 1962).pdf/103

Mula Wikisource
Napatunayan na ang pahinang ito


panlalata at ang pangingiki na nagwawakas sa pagkakalagmak ng dinarapuan pagkaraan ng ilang oras lamang; sinasabing napakahirap bakahin ang sakit na ito, at tunay nga, sapagka't sa lahat ng dinapuan, ang naging hangga'y ang pagkasawi. Salamat at mangilan-ngilan lamang ang nagkakasakit. May mga kamag-anak tayo sa Binyang at sa San Pedro, Makati na nangasawi sa sakit na ito. Kakaunting mag-aanak ang hindi nakaluksa sa kasalukuyan, maging sa mga kamag-anakan nilang malalapit o malalayo. Sa loob ng simbahan, ang kulay ng damit ng marami ay itim, gaya nang noong araw ay puti. Sa pagsisimba ko kung Linggo ay parang dumadalo ako sa pag-aalaala sa mga patay kung buwan ng Nobyembre, na walang ikinaiiba kundi ang mga tumba at ang mga kandila; ang katahimikan at ang anyong puspos ng kalumbayan ay walang pagkakaiba.

Walang ipinagkaibang ang Pasko'y dumaan ditong katulad nang mga nakaraang taon, at ang tanging kaibhan lamang ay ang mga umawit na tiple sa misa sa taong ito ay sina Victoria, Ursula at Pangoy, na nagsilabas namang mabubuti sa ginawang pagsasanay, nguni't masamâ sa oras ng misa. Si Ursula ay siyang Raguer ng Kalamba; nang taong ito ay lumaki rin ang tubig at nagbawas ang kasiglahan sanhi sa pangyayaring ang asukal ay hindi pa naipagbibili, at sa katotohana'y nararapat ngang ikalungkot.

Ang kagyat na bunga ng salot na ito ay ang kawalan ng mga bisig na aani ng palay; kakaunti ang naparoroon sa bukid; ang karamihan sa mga tao'y namamalagi sa kani-kanilang bahay, dahil sa takot na magkasakit at upang mag-alaga sa maysakit; samantala'y dumaraan ang mga araw at ang palay ay nabubulok sa bukid. Ano ang katuturang magkaroon ng mabuting ani kung ang lahat o isang bahagi nito'y nabubulok lamang sa lupa? Huwag sanang mangyari sa tubó ang gaya ng nangyayari sa pa lay, sapagka't kung magkakagayo'y maibubuntunghininga natin yaong "mabuti ang pagdating ng sama, kung nag-iisang dumara ting.

Ang malalakas at panay na uláng bumuhos nang taóng ito ay nakapinsala nang gayon na lamang sa mga tubuhan, kaya't kulang pa sa kalahati ng dating ani ang ating matatabas. Linggu-linggo'y bumabaha ang mga ilog na bumubuhos sa lawa at digagaanong tubig na nanggagaling sa iba't ibang pook ang umaapaw, na sa kawalan ng matatakbuhan maliban sa ilog-Pasig, kung kaya lumalaki nang labis-labis at ikinalulubog ng mga baybayin hanggang sa mapilitang magsialis ang mga naninirahan.

—77—