Katitikan ng Pagpapahayag ng Pagsasarili ng Bayang Filipino
Inihanda at isinulat ni Ambrosio Rianzares Bautista sa wikang Kastila at isinalin sa wikang Filipino ng Pambansang Suriang Pangkasaysayan (kasalukuyang Pambansang Komisyong Pangkasaysayan).
Sanggunian: June 12, 1898 and Other Related Documents. Manila. National Historical Institute. 1998. pp. 49–52.
KATITIKAN NG PAGPAPAHAYAG NG PAGSASARILI NG BAYANG FILIPINO
(Acta de la proclamación de la independencia del pueblo Filipino)
Sa bayan ng Cavite Viejo, lalawigan ng Cavite, ngayong ika-12 ng Hunyo, 1898:
SA HARAP KO, Don Ambrosio Rianzares Bautista, Auditor de Guerra at sadyang Comisionado na itinatalaga upang ipahayag na at parangalan ang tanging araw na ito ng Pamahalaang Diktatoryal sa Pilipinas, ayon sa kalatas ng kataas-taasang Diktador, Don Emilio Aguinaldo at Famy,
Tayong mga nagkakatipong nagsilagda ngayon sa ibaba nito, kinabibilangan ng mga puno ng hukbo, ng mga kinatawan ng ibang hindi nakadalo, at ng ilang mga tanyag na mamamayan,
Dahil sa ang lahat ng mga Pilipino ay bagot na bagot na sa pagpasan ng mabigat na kapangyarihan ng mga Kastila,
At gayon din sa walang patumanggang pagpapadakip sa mga tao at sa kalupitan ng mga Guwardiya Sibil hanggang sa makamatay, na ang ganito naman ay nababatid ng mga pinuno at sila pa nga ang nag-uutos na pagbabarilin ang mga nabibilanggo sa dahilang ibig magsitakas, mga asal na nalalatag sa batas na dapat sanang igalang ng nasabing Guwardiya Sibil, nguni't hindi pinarurusahan ang gayong mga kabuktutan; dahl sa mga walang matwid na pagpapatapon sa ibang lupain sa mga mamamayan, gaya ng huling ipinag-utos ni Hral. Blanco na pagpapadakip sa mga tanyag na tao sa kahilingan ng Arzobispo at ng mga prayle na ang nais ay mailigpit ang mga pinarurusahan nang huwag nakasagabal sa masasama at mababalasik nilang hangarin, mga pagpapatapong ginawang madalian sa paraang higit pa ng kalupitan sa ginawi ng Inquisicion, na hindi maatim ng mga taong mulat sa kabihasnan, lalo pa't hindi man lamang dininig ang mga binibigyang-sala bago parusahan,
Dahil nga sa ganito, kung kaya ang bayan ay naghimagsik noong Agosto 1896 sa hangad na mabawi ang pagsasarili at kapangyarihang inagaw ng Espanya noon ipagpatuloy ni Adelantado Miguel Lopez de Legaspi ang pagsalakay na sinimulan ni Hernando Magallanes sa Sebu, na makipagkasundo sa Haring Tupas, bago siya mapatay ng hukbo ng Haring Kalipulako sa Maktan sa labanang naganap sa baybayin ng dagat Sebu, pagka't ang haring ito'y nagkaroon ng hinala sa di-mabuting hangarin ni Magallanes, pati ang paglunsad sa Bohol at pakikipagsundo sa Haring Sikatuna, at ang hangad, pagkatapos nasakop ang Sebu, ay lumipat naman sa Maynila, na siya ngang nangyari, at dito'y nakipagsundo naman sa mga Haring Soliman at Lakandula, at sa gayon ay nagsimula ang paglupig at pagsakop sa Maynila at sa boong kapuluang Pilipinas sa bisa ng utos ng Haring Kastilang Felipe II; dahil sa ang ganitong mga katotohanang nasa kasaysayan ay hindi maaaring kilanlin tumpak ayon sa batas na sinusunod ng mga bansa; gayon din naman ang pagsamsam sa pamamagitan ng daya sa mga ari-arian ng mga mamamayan, kung kaya hindi mapag-aalinlanganan ang makatwirang paghihimagsik ng mga Pilipino, na napayapa nga sumandali ng balak ni Don Pedro Paterno na pinagtibay sa Biak na Bato nina Don Emilio Aguinaldo, Sugo ng Pamahalaang Republikano ng Pilipinas, at ng Gobernador na Kastilang Don Fernando de Rivera, nguni't hindi rin nasugpo, at ang ilan sa kasunduan ay nakasulat at ang iba'y sa salita lamang na ang isa sa mga bahagi ay ang pagdudulot ng kapatawarang panlahat sa mga napipiit at ipinatapon, subali't hindi ito natupad, kaya pagkatapos maiwasak ng Norte Amerika ang mga sasakyang-digma ng mga Kastila at mabombardeo ang Cavite, si Hral. Aguinaldo ay muling nangulo sa panibagong paghihimagsik na sumiklab noong ika-31 ng buwang nagdaan; at ang ilang bayan ay nagpauna pa mandin sa pagkilos, sa katunaya'y noong ika-28 pa ng nasabing buwan ay nagkaroon na ng labanan sa pag-itan ng Imus at Cavite Viejo, at dito nabihag ng mga Pilipino ang may 178 sandatahang mga kawal na Kastila na pinamumunuan ng isang komandante ng hukbong pandagat. Ang panibagong paghihimagsik ay mabilis na lumaganap hindi lamang sa lalawigang Cavite kundi sa iba pa man, kagaya ng Bataan, Pampanga, Batangas, Bulacan, Pangasinan, Morong at sa iba pang may mga lunsaran sa dagat. Kahanga-hanga ang tagumpay ng ating hukbo pagka't walang katulad sa kadalian ng pagkaganap. Sa Cavite ang hindi sumuko ay ang Naik at Indang, sa ikalawang lalawigan ang lahat ay sumuko, sa ikatlo ang lumaban na lamang ay ang pulutong ng mga Kastila sa Fernando na siyang pinagpisanan ng mga kawal ng Kastilang nagsitakas sa Makabebe, Sexmoan at Guagua; sa ika-apat ay walang nalalabi kundi ang lunsod ng Lipa, sa ika-lima ay ang pangulong bayang Calumpit at sa iba pa'y ang nagsisilaban na lamang ay ang mga nasa pangulong bayan ng lalawigan. Ang lungsod ng Maynila ay hindi na magtatagal at masasakop ng ating hukbo, gayon din ang mga lalawigan ng Nueva Ecija, Tarlac, Pangasinan, La Union, Zambales at iba pang mga lalawigan sa dakong Bisaya, pagka't sa maraming bayan-bayan doon ay laganap na rin ang paghihimagsik noong hindi pag napagkakasunduan ang pansamantalang kapayapaan, kaya't ang pagsasarili ng ating bayan at ang panunumbalik ng una nating kapangyarihan ay natitiyak na.
Dahil dito, saksi ng dalisay na damdaming naghahari sa ating lahat ang Dakilang Maykapal, sa tulong ng mapagkupkop na bansang Norte Amerika, ay ipinahahayag natin ngayon at pinasisinayaan sa pangalan ng buong Pilipinas,
Ang ating karapatang makapamuhay ng malaya at nagsasarili, hiwalay at kalag na kalag na sa kapangyarihan ng Espanya, kaya't wala nang kabuluhan ang ano mang pagkakaugnay natin sa kanya, at gayon din naman, bilang isang bansang may sariling kapangyarihan ay makapagpapahayag tayo ng pakikidigma o ng pakikipagtulungan sa ibang bansa, makagagawa ng tuwirang kalakalan at magagamit ang katutubong karapatan sa iba pang pangangailangang katulad ng ibang bansang malaya sa daigdig.
Sa lubos na pagtitiwala sa Dakilang Lumikha, ay atin ngayon pinanagutan ang pagpapahayag na itong kinatatayaan ng ating mga buhay, ari-arian at ng lalong pinakamahalaga sa ating pagkatao, ang dangal.
Kinikilala natin, pinagtibay at sinasang-ayunan ang pagkatatag ng Pamahalaang binuo ni G. Emilio Aguinaldo, na siya nating ipinagbubunyi bilang kataas-taasang puno ng bansang ito, na ngayon ay nagsisimulang mabuhay ng sarili, pagka't siya, kahit na isang maliit na mamamayan lamang, ay napili ng Diyos upang magligtas sa bayan natin, na gaya ng sabi ni Dr. Rizal sa maindayog niyang tulang sinulat bago binaril, ay kapus-kapalaran, dahil sa pang-aalipin ng mga Kastila,
Kaya naman bilang kaparusahan sa mga kalupitan at pagmamalabis ng mga tauhan ng kanilang Pamahalaan, at sa walang matuwid na pagpatay kay Dr. Rizal at iba pang nangasawi dahil sa kasakiman, paniniil at paghihiganti ng mga prayle sa mga taong tumututol sa kanilang kaasalang nalalabag sa umiiral na Kodigo Penal, gayon din ang pinapagdurusa at pinapatay dahil sa walang mga katotohanang bintang ng mga prayle na di man lamang dinidinig at binibigyan ng pagkakataon ang mga sinasawi na makapanalangin ayon sa kanilang pananampalataya, bago nangalagutan ng hininga, gayon din ang pagbitay sa mga paring Pilipino na sina Jose Burgos, Mariano Gomez at Jacinto Zamora, na ang mga dugo'y napabubo, gawa ng mga pakanang lihim ng mga tauhan ng simbahan, na nagkatakatang umano'y kaalam ang mga paring ito, sa paghihimagsik noong gabi ng ika-21 ng Enero, 1872 sa Fuerte San Felipe, Cavite, na ang mga prayle rin ang may pakana, at pinalabas lamang na udyok daw ng nasabing mga pare, pagka't ang totoo ay ibig nilang masansala ang pagpapaptupad sa Kautusang inilagda ng Consejo de Estado sa iniharap na kahilingan ng mga paring Pilipino na nagsisitutol sa paglilipat ng pamamahala sa mga simbahan sa bayan-bayan sa kamay ng mga paring Recoletos, noong iniutos na ilipat naman ng mga ito sa mga paring Heswitas ang kanilang pamamahala sa mga simbahan sa Mindanao, ang mga pakanang ito ay nawalang kabuluhang lahat at iniutos na isauli sa kamay ng mga paring Pilipino ang dati nilang pinangangasiwaan, subali't ang mga kasulatan sa pagpapasauli ay nabingbing sa Ministeryo ng Ultramar na siyang pinaglipatan upang mabago ang naunang utos nang mga huling taong maygulo na. Ang mga kagagawang ito ang siyang naging dahil ng pagusbong ng binhi ng kalayaan dito sa ating lupa; ang lahat ng mga pabalikukong paraang ginamit upang tao'y masugpo ay siya pang lalong nagpasibol hanggang sa nang masaid na nang kahulihulihang patak ng mga pagtitiis ng hirap at sakit ay isinigaw ang unang paghihimagsik sa Kalookan at lumaganap sa Sta. Mesa hanggang sa mga kalapit na pook; kung napipilan man ang matatapang nating mga kababayan sa mga unang labanan sa panahon ni Hral. Blanco, nguni't nagpatuloy rin ng pakikiharap sa makapal na kawal ni Hral. Polavieja sa loob ng tatlong buwan, bagaman wala pa tayo noong ng mga sandatang hawak natin nitong huli, maliban sa pawang mga talibong lamang, suligi at pana.
Bukod sa lahat ng naisaysay na ay pinagkatiwalaan din natin ang bantog na Diktador G. Emilo Aguinaldo ng lahat ng kapangyarihang kinakailangan upang siya'y makapamahala na saklaw pati ang makapagpalaya sa mga nabibilango.
At sa katapusan ay ipinasiya pa rin na ang watawat na dapat gamitin ng bansang itong nagsasarili na buhat sa araw na ito, ay ang dati na rin, ayon sa pagkakaayos at mga kulay na makikita sa kasamang larawang taglay ang tatlong sandatang nabanggit na. Ang parisukat na puti ay katulad ng sagisag na ginamit ng Katipunan, na sa pamamagitan ng pagsasanduguan ay ibinunsod ang bayan sa paghihimagsik; ang tatlong bituin ay nagpapakilala sa tatlong malalaking pulo ng ating bansa, Luson, Mindanaw at Panay na siyang unang kinaganapan ng pagbabangon ng ating bayan; ang araw ay siyang nagbabadha ng malalaking hakbang na ginagawa ng mga anak ng bayang ito sa landas ng pag-unlad at kabihasnan; ang kanyang walong sinag ay kasingkahulugan ng walong lalawigang nagpasimuno karaka sa pakikidigma; Maynila, Cavite, Bulakan, Pampanga, Nueva Eksija, Tarlak, Laguna at Batangas. Ang mga kulay na bughaw, pula at puti ay nagpapagunita sa mga kulay ng watawat ng Norte Amerika, bilang pagkilala natin ng malaking utang na loob sa ipinamalas niyang pagkupkop na walang pag-iimbot sa atin sa simula at hanggang ngayon.
At, ngayong hawak ko itong watawat ay aking iniwawagayway sa harap nitong kapulungan[1] at nanunumpa naman tayong lahat ng buong taimtim, na ito'y ating mamahalin at ipagtatanggol hanggang sa kahulihulihang patak ng ating dugo.
At sa katunayan ng lahat ay aking sinulat ang mga nababanggit dito, at nilagdaan ko, at ninyong lahat na mga nagsidalo sa pulong na ito, pati ng nagiisang banyaga, na mamamayang Amerikano, si Mr. L. M. Johnson, isang koronel ng artelyeria, at ang lahat ay pinagtitibay ko at pinatutunayan.
- ↑ Ang mga nagsilagda sa documento ay hindi sinama sa salin na ito.