Pumunta sa nilalaman

Ang Ebanghelyo ayon kay Marcos

Mula Wikisource
 MARCOS
Sinulat ni Marcos, naglalaman ng buhay, aral, at mga himala ni Jesus, na tampok ang mabilis na paggalaw ng kuwento at pagtuturo sa mga Cristiano.

 Pangunahing Pahina: BibliyaNakaraang Aklat: MateoKasunod na Aklat: Lucas

Kabanata 1

[baguhin]

1 Ito ang simula ng ebanghelyo tungkol kay Jesu-Cristo, [na Anak ng Diyos]. 2 Tulad ng nakasulat sa aklat ni propeta Isaias,

“Narito ang sugo ko na aking ipadadalang mauuna sa iyo;

ihahanda niya ang iyong daraanan.

3 Ito ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang:

‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon,
gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!’”

4 At dumating nga sa ilang si Juan Bautista na nangangaral,[b] “Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at magpabinyag kayo, upang kayo'y patawarin ng Diyos.” 5 Halos lahat ng taga-Judea at taga-Jerusalem ay pumunta kay Juan. Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y bininyagan niya sa Ilog Jordan.

6 Ang damit ni Juan ay yari sa balahibo ng kamelyo, at balat naman ng hayop ang kanyang sinturon. Ang kanya namang pagkain ay balang at pulot-pukyutan. 7 Ito ang ipinapahayag niya sa mga tao, “Ang darating na kasunod ko ay higit na makapangyarihan kaysa sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat yumukod at magkalas man lamang ng tali ng kanyang sandalyas.[c] 8 Binibinyagan ko kayo sa tubig, ngunit bibinyagan niya kayo sa Espiritu Santo.”